Dating janitor at factory worker, unang summa cum laude ng Caraga State University

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2019 01:08 AM | Updated as of Jun 05 2019 08:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BUTUAN CITY - “For seven years its been my dream na makapag-aral ulit tapos siyempre po inspired po ako na galingan po siguro kasi matanda na ako."

Ito ang mensahe ni Abzonie Reño, ang pinakaunang summa cum laude ng Caraga State University - Ampayon Butuan City campus.

Ika-30 ng Mayo nang magtapos sa kursong Bachelor of Science in Secondary Education, Major in Math ang 27 taong gulang na si Reño.

“Sobrang saya po proud sa sarili kasi 'yun nga hindi ako bumalik ng pag-aaral para mag-excel bumalik lang ako para makapagtapos lang po pero sobra-sobra pa po yung binigay ni Lord," aniya.

Taong 2008 nang magtapos siya ng high school at nagdesisyon na pumunta ng Metro Manila upang maghanapbuhay. Doon na siya pumasok bilang factory worker, tindero, baker, security guard, janitor at houseboy. 

Ginawa ito ni Reño upang makatulong na maiahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya.

Proud naman ang kaniyang mga kaklase na naging matalik na niyang kaibigan dahil nagsilbi siyang halimbawa at inspirasyon sa kanila na magsumikap sa kabila ng hirap ng buhay.

Aminado naman si Reño na nahirapan siya noon nang bumalik siyang mag-aral sa edad na 23 taong gulang.

“Nakakahiya sobrang tanda ko na para maging first year college pa pero 'yun din po ang naging motivation ko," aniya.

Sa kanilang batch na kumuha ng kursong BS in Secondary Education, Major in Math, bukod kay Reño na summa cum laude, mayroon ring nagtapos na magna cum laude at walong cum laude.

Kasalukuyang pinaghahandaan ni Reño ang pagkuha niya ng Licensure Exam for Teachers.