Ama, 63, pinapasan ang anak papasok sa eskuwelahan

ABS-CBN News

Posted at Jun 05 2017 10:01 PM | Updated as of Jun 06 2017 01:56 AM

Anong hirap ang hindi kakayanin ng isang magulang para sa kaniyang anak? Kung sakripisyo ang pag-uusapan, puwede nang saluduhan ang tatay na si Jesus Cervantes, 63 anyos, taga-Bacolod City.

Sa kaniyang edad, di biro ang literal na pinapasan ng amang ito. Binubuhat niya ang 16 anyos na dalagitang anak para makapasok sa eskuwelahan.


Pinapasan ni Tatay Jesus ang dalagitang anak na may sakit sa puso para makapasok sa paaralan.

May sakit kasi sa puso ang dalagitang si Lyka. Hindi niya kakayanin ang napakahabang lakaran papunta sa paaralan. May sakit din sa puso ang kaniyang kuyang si Jay-R. Dahil sa karamdaman, dalawang taong nahinto noon sa pag-aaral si Jay-R. Ngayon, may lakas nang makapasok muli ang nakatatandang kapatid.

Pursigido si Tatay Jesus na hindi titigil sa pag-aaral si Lyka dahil sa sakit. Kahit pa ibig sabihin nito’y kailangan niyang buhatin ang babaeng anak papasok sa paaralan.

Isang kilometro ang nilalakad ng ama habang pasan-pasan ang dalagita. Malubak at masukal ang ilang daan. Kailangan din nilang tumawid sa sapa.

Pero walang angal si Tatay Jesus, dahil sa bawat hakbang, magandang kinabukasan ang nakikita niya para sa anak.

Panalangin lang ng ama, kung hindi na manunumbalik ang lakas ng katawan ng dalagita, sana’y biyayaan pa siya ng mabuting kalusugan para patuloy na mabuhat at maihatid ang anak sa paaralan.

-- Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.