ALAMIN: Kondisyon ng batang nakakaihi habang natutulog

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2019 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kailan masasabing hindi na normal para sa bata ang maihi habang siya ay natutulog?

Ayon sa urologist na si Dr. Joseph Lee, kapag ang batang may edad 7 pataas ay nakararanas pa rin ng enuresis, posibleng siya ay may developmental delay o kondisyong sikolohikal.

Enuresis ang tawag sa kondisyon kung saan nahihirapan ang isang batang kontrolin ang kaniyang ihi, lalo sa gabi at habang tulog, sabi ni Lee sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Ayon kay Lee, normal ang pag-ihi nang tulog para sa mga may edad 7 pababa. 

Kapag lumagpas umano ay dapat suriin kung may iba pang kondisyon ang bata.

"Ang bata kasi usually kapag 5 to 7 years old, kailangan magbabago na ang bladder control nila," ani Lee.

"'Pag beyond 7 years old, we have to look into some category o symptomatology."

Ipinaliwanag din ng doktor na may 2 uri ng nocturnal enuresis: primary at secondary. 

Sa ilalim ng primary, regular umano ang pag-ihi ng bata.

"Never siyang naging dry. Ibig sabihin, buwan-buwan o taon-taon, talagang nagbe-bed-wetting," ani Lee.

Kapag secondary naman, ayon kay Lee, bumabalik ang enuresis ng batang matagal nang hindi nakararanas ng nasabing kondisyon.

"Six months okay siya then bumalik siya ulit," ani Lee.

Ilan daw sa mga secondary nocturnal enuresis ay mga sikolohikal na problema gaya ng stress, pagkain tulad ng caffeine, at iba pang kondisyon gaya ng impeksiyon at constipation.

Posible rin umanong may problema sa pantog ang batang nakararanas ng enuresis.

Hinikayat ni Lee ang mga magulang na magparamdam ng suporta sa kanilang mga anak na nakararanas ng enuresis sa halip na pagalitan o hiyain ang mga ito. 

"It's always the parents that would motivate the child," ani Lee. "There should be support from the parents." 

Kasama naman sa mga paraan ng paggamot ng enuresis ang mga motivational at psychological therapy, at bladder control o pagsanay sa bata na kontrolin ang kaniyang pantog, ani Lee.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.