Mainam na hangga't bata ay maturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak kung paano mangasiwa ng pera, ayon sa isang eksperto.
Sa "Sakto" ng DZMM nitong Lunes, sinabi ng financial expert at columnist na si Rose Fres Fausto na nagiging bantulot o walang iisang desisyon sa pamamahala ng pera ang taong naantala ang kaalamang pinansiyal.
"Ang nangyayari kapag masyado nating dine-delay 'yong pag-train, kapag nakahawak ng pera, nagiging hindi siya sigurado," sabi ni Fausto.
"Puwedeng gastusin lahat, puwedeng manigas siya. It's very good that they are comfortable with money as early as possible," aniya.
Ayon kay Fausto, isang paraan para matutong magtipid ang bata ay ang paglaan nito ng bahagi ng kaniyang baon sa ipon.
"Pay yourself first. Kahit na magkano, kahit malaki o maliit iyong baon mo, dapat mayroon kang sine-set aside," aniya.
Kuwento ni Fausto, noong bata ang kaniyang mga anak ay inilalaan nila ang 20 porsiyento ng kanilang baon sa ipon.
Ipinapayo rin ni Fausto na paghigpitan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagtitipid, gaya ng hindi pagbibigay ng karagdagang baon kapag naubos na ang unang baong ibinigay para sa linggong iyon.
"Halimbawa, Wednesday pa lang ubos na, aba tiisin niyo si 'Junior,' huwag niyo bigyan, ganun talaga eh, tough love ba," aniya.
Sa ganitong paraan matututo aniya ang batang maging masinop sa paggastos.
"Nagkakaroon siya ng opportunity para ma-train iyong sarili niya, papaano ba ito magla-last until Friday at pinaka-importante sa lahat, paano ba mag-save and invest from the very start," paliwanag ni Fausto.
Hindi rin maipapayo ni Fausto ang estilong pagbibigay lang ng baon sa bata kapag naubos na ang baon nito dahil hindi ito nakaiipon.
Maaari rin namang turuan ang mga bata ng "work-for-money philosophy," kung saan puwede silang bigyan ng gantimpalang salapi kapalit ng paggawa ng ilang gawaing bagay.
Subalit sa ganitong estilo, dapat tiyakin ng mga magulang na hindi sila nagbibigay ng sobra sa kapalit na pagsisikap ng bata.
"Sometimes 'yong mga parent, they have a tendency to overpay kasi naaliw sila. Aba, naglinis ng banyo, P2,000 [ibinigay]. Saan ka nakakakita no'n?" ani Fausto.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, DZMM, Sakto, tips, parenting tips, finance, pera, ipon, baon, estudyante