Mga residente ng Baguio, lumahok sa pagdiriwang ng World Bicycle Day

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2019 12:56 AM

BAGUIO CITY - Napuno ang mga kalsada ng Central Business District ng Baguio City ng mga residente at grupo ng mga cyclists na nagtipon-tipon para ipagdiwang ang World Bicycle Day nitong Linggo.

Mapabata man o matanda, nakiisa sa pagbibisekleta.

“Mag-bike sila para ma-exercise 'yung katawan nila at hindi sila maadik sa gadgets,” ani Prince Gonzales, 11 taong gulang na kalahok.

Sikreto raw ito ng mahabang buhay ng 65-years-old na si Jaime Nocasa.

“'Pag wala kang exercise, wala, walang mangyayari sa 'yo kundi tigok,” ani Nocasa, isang senior citizen.

Inorganisa ng lokal na pamahalaan ang pagdiriwang.

“Gumawa ang city council ng resolution, Resolution 116 - Series of 2018 na adopting the World Bicycle Day in the City of Baguio,” ani City Tourism Officer I, Rey Delmendo.

Naka-angkla ito sa glocal activity ng United Nations na layong humikayat ng mas makakalikasang paraan ng transportasyon.

“Maganda sa katawan at saka iwas polusyon sa Baguio,” ani Ronelo Tangub na miyembro ng samahang Loakan Airport Cycling Group.

Baguio City ang kauna-unahang nagpasa ng ordinansa sa Pilipinas para suportahan ang programa ng United Nations.

Ito na ang ikalawang taon na ginunita ang World Bicycle Day sa Baguio City.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.