'ASAP TLC': Kasalan sa may nag-aalburutong Mayon, nakabibighaning kuweba

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2018 04:55 PM

Bukod sa pagiging seremonya ng pag-iisang dibdib, may mga kasalang nagiging mas hindi kalimot-limot dahil nagkataong nasabay sa ibang natatanging okasyon o idinaos sa mga nakamamanghang lugar.

Ganito ang mga kuwentong pag-ibig na ibinahagi nitong Linggo sa segment na "TLC" ng "ASAP," tampok ang guest hosts na sina Orville Tonido at Joven Olvido mula sa nakaraang season ng "Pilipinas Got Talent."

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYON

Para sa mag-asawang sina Arlo at Maica Dela Cruz, lalong naging espesyal ang araw ng kanilang kasal noong Enero dahil sa retrato nilang tampok ang nag-aalborotng Bulkang Mayon.

Nag-viral pa ang larawan ng dalawa na nakabihis pangkasal at magkayakap habang naglalabas ng lava at abo ang naturang bulkan sa likuran nila.

Kuwento ni Arlo, hindi nila inasahang noong mga sandaling kukuhanan sila ng retrato ng wedding photographer sa may harap ng bulkan ay sasabog pala ito.

"Naging successful naman 'yong kasal namin kasi good weather naman nung umaga kaso nung hapon na, habang nagki-kiss kami, biglang sumabog 'yong Mayon," ani Arlo.

"'Yong photographer namin na-amaze sila," dagdag naman ni Maica. "Nung nakita namin 'yong picture, napa-wow kami."

Tila sulit para sa dalawa ang wedding photo, lalo at bago humantong sa kasal ay ilang beses silang nagkahiwalay at nasubok ang pagsasama.

Unang nagkakilala ang dalawa sa isang summer class pero hindi rin naging maayos ang relasyon dahil nag-aaral sila sa magkaibang eskuwelahan.

"Nagandahan ako sa kaniya kaya niligawan ko siya at naging kami kaso ibang school pinasukan niya. Nagkalabuan kami, nagkahiwalay," kuwento ni Arlo.

Kalaunan ay nagkabalikan ulit sila pero nawalay rin nang magtrabaho si Maica sa ibang bansa habang pumasok naman si Arlo sa Bureau of Fire Protection.

"Pagka-graduate namin, nagkahiwalay ulit kami dahil may chance naman na pumunta ako ng Netherlands at si Arlo, sa BFP," ani Maica.

"Bawal mag-cellphone sa BFP. Wala kaming communication," dagdag ni Maica.

Makalipas ang isang taon, bumalik si Maica sa Pilipinas at doon na naisipan ni Arlo na alukin ng kasal ang babae.

Dahil sumabay ang panahon ng kasal sa pag-aalboroto ng Mayon, naisip din ni Maica kung dapat bang ipagpapaliban muna nila ang seremonya.

"Papalapit na doon sa wedding date namin, may nagka-cancel na. Tinanong ko si Arlo, sabi ko, 'Ano, tuloy 'yong kasal?'" ani Maica.

Pero sa kabila ng panganib, nanindigan ang dalawa sa napagkasunduang araw ng kanilang pag-iisang dibdib.

Handog nina Kyla at Daryl Ong sa dalawa ang awiting "Wherever You Will Go" ng American band na The Calling.

Watch more in iWant or TFC.tv

CALLAO CAVE

Ang nakabibighaning Callao Cave naman sa Cagayan ang naging tagpuan ng kasal nina Mike at Suzy Rubio.

Nagkakilala sila sa trabaho noong 2008 at nahulog ang loob sa isa't isa. Itinago pa nila sa mga kasamahan sa opisina ang relasyon dahil ayaw umano nilang "ma-pressure."

Nang magpasiya ang dalawa na ikasal, ninais nilang idaos ito sa kakaibang lugar.

Natuklasan nila ang Callao Cave nang itampok ito noong 2012 sa "The Mistress," na pinagbidahan nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo.

"Nalaman namin na puwede doon (ikasal) parang wow. Kasi naghahanap kami ng kakaiba talagang lugar," kuwento ni Suzy.

Noong Enero nitong taon napagkasunduan ng dalawa na sa Nobyembre idaos ang kanilang kasal pero kinailangan nila itong iurong.

"Nagbago-bago 'yong petsa ng kasal kasi sa mga magulang ko na manggagaling sa U.S.," ani Mike.

Naging hamon sa dalawa na paghandaan ang kasal nang malipat ito sa Pebrero. 

"Nalaman naming five weeks na lang parang ang unang tanong, 'Kaya ba natin to?'" ani Suzy.

Sa huli, naging matagumpay naman ang kasal sa kuweba.

"'Yong mga tao noong una takang-taka sila. Afterwards they were really thankful 'di lang dahil pumunta sila sa isang cave, naka-witness pa sila ng kasal namin," ani Suzy.

Inalay nina Erik Santos, Daryl Ong, Kyla at Angelique Quinto ang kantang "Marry You" ni Bruno Mars para sa mag-asawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.