ALAMIN: Mga dapat tandaan kapag may emergency sa kinaroroonan

ABS-CBN News

Posted at Jun 03 2017 05:06 PM

Ano ang gagawin mo sakaling may hindi inaasahang pangyayari sa lugar na kinaroroonan mo?
 
Sa programang ‘Magandang Gabi Dok’ ng DZMM, nagbigay ng ilang payo si Department of Health Asst. Sec. Eric Tayag kung ano ang dapat gawin sa panahon ng emergency tulad ng Resorts World Manila attack.

1. Alamin kung saan ang labasan ng gusali, lalo na kung unang beses pa lamang sa establisyimento.
 
“Kapag nasa building kayo, alamin niyo na kaagad kung nasaan ang exit.”
 
2. Makatutulong na buksan ang mga bintana kapag na-trap sa isang nasusunog na gusali. Ngunit, mas importante pa rin ang makalabas dito, ayon kay Tayag. 
 
“Makakawala po iyung usok pero ang importante po talaga [ay] makalabas po kayo."
 
3. Huwag tatalon. Nagbabala rin si Tayag laban sa paggaya sa mga nakikita sa pelikula.
 
“Yung mga napapanood niyo po sa pelikula na tumatalon, nako pelikula po 'yun. 'Yung sinasabi nilang pag tumalon ka pagulong-gulong o kung may uunahing ganito, pelikula po 'yun.”
 
4. Kung tatalon sa gusali, humanap ng makakapitan upang dahan-dahan ang maging pagbagsak.
 
“Kung tatalon kayo, ‘yung may makakapitan kayo para dahan-dahan kayong babagsak, hindi 'yung lalagapak po kayo,” he said.
 
5. Huwag mag-panic.
 
“Ngayon, madaling sabihan po 'yan pero sa aktuwal, nawawala po 'yun. That’s why kapag nasa lugar kayo, ito po ang babanggitin niyo, ‘When this happens, I will do this,” ayon kay Tayag.
 
“Halimbawa nagda-diet ka, inimbita ka sa restaurant, ganito ang iisipin mo: ‘When I’m offered softdrinks, I will say no and order water instead.’ So that kapag nandun ka sa restaurant at talagang in-offer ka ng softdrinks, nakundisyon na 'yung utak mo.”
 
6. Kapag nakarinig ng putok, gumapang palayo sa pinanggagalingan nito. 
 
“If you’re hearing gunshots, crawl as fast as you can away from the gunshot. 'Yun ang pwede mong gawin. So ibig sabihin talagang you have to plan,” he said.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.