PatrolPH

Jolina Magdangal, bagong hobby ang diamond painting para mag-relax

ABS-CBN News

Posted at Jun 02 2021 11:39 AM

MANILA -- Ibinahagi ng aktres at host na si Jolina Magdangal ang kanyang pinagkakaabalahan para makaiwas sa stress.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, Hunyo 1, ibinahagi ni Magdangal kung paano niya ginugugol ang oras para sa kanyang sarili o tinatawag niyang "me time."

"Kapag sinabi kong 'me time' ito talaga ang aking oras para gawin itong nagpapa-relax sa akin. At ito ngayon ang aking bagong hobby, ang diamond painting," ani Magdangal.

Watch more on iWantTFC

"Huwag kayong matakot. Itong diamond painting ay napakadali lang. 'Di niyo kailangan ng brush o paint, ito ay bead works. Ididikit niyo lang ang mga bead, ganun lang siya kadali," paliwanag ni Magdangal.

Ayon kay Magdangal, sa isang kaibigan niya na nagbebenta ng diamond paintings nagsimula ang pinakabago niyang pampalipas oras.

"Yun lang siguro ang isang key noon, dapat gusto mo ang gagawin mo, para hindi ka ma-bore," ani Magdangal na ibinahagi rin ang magandang naidudulot ng kanyang hobby.

"Alam niyo kung ano ang naibibigay sa akin nito? Mula noong nag-start ako ng hobby ko na ito, parang nagkakaroon ako ng peace of mind. Nare-relax talaga ako. Mula noon, nag-start na ako at hindi na ako tumigil," ani Magdangal.

Inamin din ni Magdangal na inudyukan niya rin ang kapwa host na si Melai Cantiveros para subukan na ang pagda-diamond painting.

Tulad din ni Magdangal, ang diamond painting din ang isa sa mga pinagkakaabalahan ng kapwa rin niya host at aktres na si Karla Estrada.

Sa programa, ipinakita ni Estrada na isang "Sarimanok" ang kanyang unang nagawa.

"Nagawa ko ito nung time na talagang wala naman tayong ginagawa nasa bahay lang. Napakalaking tulong na mayroon kang hobby na nakakapagpagaan ng pakiramdam mo lalo na kapag sobrang ang bigat bigat na ng pakiramdam," ani Estrada.
 
Sina Magdangal, Estrada at Cantiveros ay mga bituin ng pelikula ng Star Cinema na "Momshies Ang Soul Mo'y Akin."

Ito ang unang pelikula nina Estrada, Magdangal, at Cantiveros na magkakasama matapos magkatrabaho sa unang season ng “Your Face Sounds Familiar” bago naging hosts ng “Magandang Buhay.”

Nagsimulang mapanood ang pelikula ng mga Momshies nitong Mayo 28 sa mga digital streaming platforms tulad ng KTX.ph, iWant TFC, TFC IPTV, Sky Cable PPV and Cignal PPV.

Related video:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.