Hindi alintana kay Jobelle Ann Ponta-Oy, isang amputee mula sa Dingle, Iloilo, ang kaniyang dinaranas sa laban kontra stage 4 cancer dahil sa kaniyang positibong pananaw at makwelang personalidad.
Naghahatid si Belle, 23, ng good vibes sa kaniyang social media account gaya ng TikTok, kung saan mapanonood na siya ay sumasayaw, nagli-lipsync, nagpe-perform ng mga skit, at nagbabahagi ng kwento ng kaniyang laban.
Kwento ni Belle, ang dahilan ng hindi niya paglakad nang maayos at tuwid noong bata siya ay mas maikli ng 1 inch ang kanyang kanang paa kaysa sa kaliwa, kaya pinagsuot siya ng shoe lift. Ngunit di rin ito nagtagal dahil madalas siyang matapilok.
Sa kaniyang panayam sa TeleRadyo, ibinahagi ni Belle na maaaring "lapitin" siya ng aksidente dahil ilang beses na rin umano siyang nadudulas o natutumba kahit mga simpleng galaw lang ang kaniyang ginagawa.
Noong 2013, nakitang mayroon siyang meniscal cyst, kaya pinapili siya kung nais niyang magpaopera o magparehab.
Ang meniscal cyst ay ang pagkaroroon ng naipong joint fluid sa tuhod at kadalasang nangyayari sa may injury sa tuhod tulad ng meniscus tear.
Tiniis ni Belle ng 12 taon ang karamdaman sa tuhod dahil umano hindi pa ito nada-diagnose at sa mga manghihilot siya dinadala.
“'Yung rehab po kasi, para sa akin, when I was as a kid, parang trauma sa akin. 'Yung pinagdaanan namin 'yung mga quack doctors, 'yung mga hilot-hilot. Siyempre my family also wants to try lahat para maging okay ako. So, with that kind of mindset, I bravely told my doctor, 'magpapa-opera ako doc,' kahit wala talagang kasiguraduhan kung ano'ng mangyayari doon,” aniya.
Matapos ang operasyon para sa meniscal cyst at biopsy, nadiskubre naman na may tumor si Belle sa kaniyang paa, at 2016 nang makitang mayroon siyang "synovial sarcoma" o ang uri ng kanser na naaapektuhan ang mga muscle o ligaments sa katawan.
Hindi rin biro ang kaniyang dinanas bago siya makapagdesisyong ipaputol ang kaniyang kanang paa dahil dumaan muna siya sa 33 radiotherapy sessions bago niya nasiguro ang kaniyang desisyon.
Kwento ni Belle sa kanyang YouTube vlog, 2019 noong bumalik ang kanyang cancer, 2020 noong na-amputate ang paa, at 2021 noong kumalat sa baga ang cancer at umabot na sa stage 4.
“I think my positivity comes from my will to live and 'yung faith ko kay Lord,” ani Belle.
Natapos ang ika-6 at huling chemotherapy niya noong Abril 2020 at sa ngayon ay hindi sumasailalim sa ano mang treatment at patuloy siyang nagbibigay ng inspirasyon sa kapwa.
—Ulat ni Milgrace Dueñas, ABS-CBN News intern
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.