Grupo sa Iloilo, nagdaos ng 'Barbie Santacruzan'

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 07:29 PM

Photo courtesy of William Recabar

LEGANES, Iloilo -- Dahil sa ipinapatupad na modified general community quarantine sa Iloilo, isang grupo sa bayan ng Leganes ang nakaisip na magdaos ng isang kakaibang uri ng Santacruzan.

Sa pangunguna ng LGBTQ Organization Leganes Chapter, inilunsad nila nitong Linggo ang Santacruzan 2020 Barbie Doll Edition, kung saan sa halip na mga tao ay mga manyikang binihisan ang kanilang ipinarada at kinuhanan ng retrato.

Ayon kay William Recabar, nais ipagpatuloy ng grupo ang tradisyon sa kabila ng COVID-19 pandemic.

"This is to continue our passion and showcase our artistic side, as well as to show our love for fashion," aniya.

Gawa sa recycled materials gaya ng plastic spoon and fork at kahoy ang mga arko, habang retaso naman ng tela ang kanilang ginamit sa mga gown ng mga manyika.

Nagkaroon rin ng pictorial ang 10 manyika sa plaza ng bayan.

Ayon sa grupo, gusto nilang maging inspirasyon sa iba na gamitin ang talento para sa mabuting mga bagay habang naka-quarantine.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.