Single mom na dating OFW nagtapos na cum laude

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2019 06:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagtapos na cum laude sa kursong secondary education sa National Teachers College (NTC) ang isang single mother at dating overseas Filipino worker (OFW) na si Michelle Sison, 42.

Kuwento ni Sison, bilang panganay sa limang magkakapatid ay kinailangan niyang magtrabaho at magparaya para suportahan ang mga nakababatang kapatid sa pag-aaral. 

Nang nakatapos ang mga kapatid, siya naman ang tinulungan ng mga ito para maituloy ang pangarap niya na maging guro.

"Walang maayos na trabaho mga magulang ko. May isa akong kapatid ngayon na teacher din, isa siya sa tumulong sa akin para ako naman ang mag-aral."

Sa kauna-unahang pagkakataon ngayong taon, pumili din ang NTC ng graduate na gagawaran ng kanilang Gawad Haraya, na umano'y pinakamataas na parangal ng paaralan. 

Sa mga estudyanteng nagtapos na nagsilbing inspirasyon, napili nila si Sison, patunay na sa kaniyang pagpupunyagi ay walang anumang balakid sa pangarap. 

"Sa lahat, huwag mawalan ng pag-asa kasi kapag gusto ay makakamit natin ang ating mga pangarap," ani Sison. 

Sa pagpasok niya sa mundo ng pagtuturo, ang sariling kuwento niya umano ang magiging patotoo sa kaniyang mga magiging estudyante na walang imposible. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.