Mr. Universe Tourism Ion Perez, naiyak sa tagumpay

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at May 31 2018 01:07 PM | Updated as of May 31 2018 02:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Bagong international crown na nasungkit ng Pilipinas ang 2018 Mr. Universe Tourism.

Ang 27 anos na taga-Concepcion, Tarlac na si Ion Perez ang latest Pinoy delegate na nanalo sa international pageantry.

Ang Pilipinas ang host country ng katatapos lang na Mister Universe na naganap sa Tanghalang Pasigueño.

Sa panayam kay Ion, binahagi niya ang kanyang simpleng buhay sa probinsya bilang katulong ng kanyang nanay sa kanilang maliit na kakanin business.
 
"Tinutulungan ko po si nanay na gumawa ng kakanin kasi po nagtitinda po. Siya gumawa, ako po 'yung nagpa-pack sa mga kalamay na tinitinda niya," ani Ion.
 
Wala sa ambisyon ni Ion ang sumali sa male pageants kaya tatlong taon siyang kinulit bago napapayag na subukan na maging pageant contestant.

Natigil na rin kasi sa kanyang pag-aaral si Ion dahil sa problemang financial kaya ito ang kanyang oportunidad na nakita para makatulong sa pamilya.
 
"Sobrang mahiyain po talaga ako. Siguro dala din ng isa akong probinsyano. 'Di ba po kapag sinabing probinsyano, mahiyain," ani Ion.
 
Ang kanyang nanay at mga kapatid ang pinaghugutan ng inspirasyon ni Ion na nagbigay sa kanya ng lakas ng loob.
 
"Sobrang naramdaman ko po ang suporta na binigay sa akin ng pamilya ko simula pagkabata ko. 'Di ko sila nakita nagsuot ng pormal kaya sobrang saya po para sa akin na nakita sila," ani Ion.
 
Hindi napigilian na maging emosyonal ng Mr. Universe Tourism nang balikan ang simpleng pinagmulan sa maganda niyang hinaharap ngayon.
 
"Sobrang saya po na ang isang bata na dati nila sinasabihan na pangit, mabaho, maitim, eto na po ako ngayon," ani Ion.
 
Babalik sa pag-aaral si Ion at itatago sa bangko ang kanyang napanalunan para sa kanyang pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.