TFC News

Mga Pinoy bumida sa 2023 Cannes Film Festival

Mye Mulingtapang | ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at May 30 2023 12:58 AM | Updated as of May 30 2023 01:19 AM

CANNES - Hindi nagpahuli ang mga natatanging Pilipino mula sa mga director, producer, at fashion designer na nagpamalas ng kanilang talento at galing sa isa sa pinakaaabangang film festival sa buong mundo.

Ang ika-76 edisyon ng Cannes Film Festival ay ginanap mula May 16 hanggang 27 tampok ang mga film screening, press conference, at pinakaabangang red carpet events.

56
Courtesy of the Film Development Council of the Philippines

Pinangunahan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang Philippine delegation sa Marché du Film kung saan kasali ang dalawang Filipino films na "TOPAKK" sa direksyon ni Richard Somes at "Her Locket" ni J.E. Tiglao.

Ang pelikulang "Ria," ng direktor na sina Arvin Belarmino at producer na si Kristine De Leon, ay kalakok sa La Fabrique Cinéma 2023. 

RIA DIREK AT PRODUCER
Si Arvin Belarmino (director) at Kristine De Leon (producer) ng pelikulang “Ria” (MUD Studios FB page)

Ang ika-15 edisyon ng La Fabrique Cinéma ay pinangunahan ng Institut Francais sa pakikipagtulungan sa Cannes Film Festival at Cannes Film Market kasama ang iba pang professional partners ay may layuning suportahan at ipakilala ang filmmakers at producers mula sa Southern countries gaya ng India, Senegal, Nigeria, Chile at Pilipinas.

ria
Courtesy of MUD Studios

Naimbitahan rin ang “Ria” sa gaganaping Sørfond Pitching Forum sa Nobyembre sa Norway kung saan may pagkakataong mai-presenta ang pelikula sa mga Norwegian producers.

Inilarawan ng Sørfond Pitching Forum ang RIA na may makapangyarihang kuwento tungkol paglaban sa marahas na sistema na nag tutulak sa mga mahihirap na kumapit sa patalim para mabuhay.

“We look forward to presenting the project to our Norwegian producers”, ayon sa social media post ng Sørfond Pitching Forum.

ria presscon
Courtesy of MUD Studios

Spotlight Asia

Ang Spotlight Asia ay bagong programa ng FDCP na naglalayong palakasin ang mga ugnayan at pagsisikap sa co-production sa pagitan ng Asya at Europa kung saan itinampok ang apat na pelikulang Pinoy.

Dalawang Pilipinong kinatawan din ang dumalo sa Cannes Producers Network, kung saan ang mga producer ng pelikula mula sa buong mundo ay ibinida ng kanilang mga pelikula sa mga posibleng investor at financier.

Pinili ng FDCP ang 17 film businesses upang kumatawan sa Marché du Film upang pag-ibayuhin pa ang pakikipagtulungan sa iba pang international film outfits sa hinaharap.

Bahagi din ang FDCP ang Philippine-Singapore Pavilion, kung saan ang mga delegado mula sa iba't ibang panig ng mundo ay nakasali sa isang talakayan. Dito higit na naipakilala ang mga pelikulang Pilipino.

345
Courtesy of the Film Development Council of the Philippines

Ang direktor at aktres naman na si Isabel Sandoval ay isa sa mga hurado sa Queer Palm kung saan kinikilala ang mga pelikuka na may tema tungkol sa sexual diversity at gender.

Cannes Fashion

Samantala, ibinida ni Victor Baguilat Jr. ng Kandama Social Enterprise ang kanilang collection ng gowns na yari sa Ifugao textile sa finale ng Indigenous Arts and Fashion Festival noong May 20 na dinaluhan ng kilalang producer na Martin Scorsese.

Baguilat
Ang isa sa 12-piece new collection ni Victor Baguilat, Jr. na ibinida sa Cannes Indigenous Arts & Fashion Festival (kaliwa). Si Victor Baguilat Jr. (gitna), kasama ang ilang modelo. (Courtesy of Victor Baguilat, Jr.)

“We are immensely pleased to share the space with our fellow indigenous creatives and to learn about their culture and our shared struggles. We join our Indigenous brothers and sisters in spreading awareness about "The Missing and Murdered Indigenous Women". We hold the light for each other and we hope that you can support us in realizing our collective vision of facilitating the empowerment of the World's Indigenous Peoples”, sabi ni Baguilat Jr.

Chona4
Chona Bacaoco (Chona Bacaoco FB page)

Ang Milan-based fashion designer na si Chona Bacaoco ay isa sa official designers ng festival. Dinamitan niya ang ilan sa Italian celebrities kasama ang apo ng sikat na Italian businessman at designer na si Guccio Gucci.

models
Photo by @danieleventurelliphoto | @karendipaola_photo | Stylist @loudparrucchieri | Make-up by @stellamakeuptorino

“I am one of the festival's official designers which is a major honor for us Filipinos to be recognized by the Italian fashion industry”, sabi ni Bacaoco.

Rumampa rin sa red carpet ang beauty queens na sina Miss International 2016 Kylie Versoza at Miss Universe 2018 Pia Wurtzbach-Jauncey.

6
Si Kylie Versoza (Kylie Versoza FB page) at Pia Wurtzbach-Jauncey (Pia Wurtzbach FB page)

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa France, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.