PatrolPH

5 parangal nasungkit ng Soccsksargen sa International Film Festival Manhattan

ABS-CBN News

Posted at May 30 2021 11:49 PM | Updated as of Jun 13 2021 08:29 PM

Watch more on iWantTFC

GENERAL SANTOS CITY - Namayagpag sa professional category ng International Film Festival Manhattan ang isang TV commercial at apat na tourism videos ng iba't ibang bayan at siyudad ng Region 12.

Isang Gold Excellence Award at isang Silver Excellence Award ang nasungkit ng direktor na si Alan Filoteo ng General Santos City. Ang kaniyang entries ay tungkol sa mga pasyalan sa lungsod at iba pang maipagmamalaki nito gaya ng industriya ng tuna kung saan kilala ang GenSan.

Gold Excellence Awardee rin ang Sarangani kung saan ibinida naman ang tourism video ng sikat na Sarangani Bay Festival. Likha ito nina Champ Biala at Michelle Solon.

Wagi rin ang team ng Lake Sebu sa South Cotabato na pinangunahan ni Jennifer Tupas. Nakuha nila ang Gold Excellence Award dahil sa kanilang tourism video.

Bronze Excellence Award naman ang nakuha ni Zamantha Morales sa ginawa niyang TV commercial.

Nagpasalamat ang mga nagwagi sa film festival sa karangalang natanggap lalo na at bitbit nila ang pangalan ng kanilang mga lugar.

Sa kabuuan, sampung mga bansa, kabilang na ang Pilipinas, sa mga lumahok.

Ayon sa festival director na si Luis Pedron, sana ay maibsan ang bigat na nararamdaman ng mamamayan dulot ng COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng pagtangkilik sa sining.

Natutulungan din aniya ang ating film artists na maipagpatuloy ang kanilang napiling larangan sa kabila ng mga kaganapan ngayon.

- ulat ni Chat Ansagay

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.