Magulang dapat maging mapanuri sa bibilhing school supplies: grupo

ABS-CBN News

Posted at May 29 2019 02:28 PM

MAYNILA — Sa nalalapit na pasukan para sa bagong school year, nagpayo ang grupong EcoWaste Coalition na maging mapanuri sa pagbili ng mga gamit sa eskuwela. 

Ito ay sa gitna umano ng pagbebenta ng ilang school supplies na may mapanganib na kemikal o sangkap.

Ayon sa grupo, hindi lang dapat tiyaking mura ang mga bibiling gamit sa eskuwela bagkus ay dapat ligtas itong gamitin ng mga estudyante. 

"Our schools and the products that children use should be totally safe from these chemicals that can put their development and health at risk," ani Thony Dizon, Chemical Safety Campaigner ng grupo.

Bumili umano ang grupo ng school supplies sa ilang bahagi ng Metro Manila gaya ng Divisoria at Quiapo sa Maynila. 

Sa kanilang pagsusuri, lumalabas na 34 sa 87 items na kanilang nabili ay may mataas na antas na lead at cadmium, na pawang mga delikadong kemikal. 

Kabilang sa kanilang nabili ang ilang klase ng crayon, water colors, water container, bag tag, hair clip, at mga backpack - na walang mga label. 

Hinihiling ng grupo sa gobyerno, manufacturers, importers, distributors, at retailers na siguruhing 100 porsiyentong ligtas para sa mga bata at tama ang mga label ng ibebentang school supplies. 

Magsisimula sa Hunyo 3 ang pasukan sa ilang paaralan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.