Paano ihahanda ang batang lilipat ng eskuwelahan?

ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 03:26 PM | Updated as of May 27 2019 03:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May mga pagkakataong kinakailangan ng bata na lumipat ng pinapasukang paaralan gawa ng iba-ibang dahilan gaya ng badyet o paglipat ng lugar na tinitirhan ng pamilya.

Sa mga ganoong pagkakataon, dapat ihanda ng mga magulang ang kanilang anak sa paglilipat-eskuwelahan para mas madali silang makapag-adjust at maiwasang magkaroon ng mga pangamba, ayon sa isang parenting expert.

Sa panayam sa radyo DZMM, sinabi ni Teresa Gumap-as Dumadag na mainam na ipaliwanag ng magulang sa kanilang mga anak kung bakit sila ililipat ng paaralan.

"Kailangan i-manage natin 'yong expectations noong mga bata bago pa magsimula iyong pasukan," sabi ni Dumadag sa programang "Sakto." 

"Ipapaliwanag natin at ipapaalam sa kanila ano 'yong mga pagbabago," ani Dumadag.

Isa sa mga dapat ipaunawa ng mga magulang sa mga bata ay ang dahilan kung bakit ito lilipat.

Madalas daw na dahilan ng paglilipat-eskuwelahan ay ang badyet, ani Dumadag.

"Kailangan ipaliwanag natin sa mga anak natin na 'yong budget ng pamilya natin ay naaayon lamang dito sa ganitong klase ng eskuwelahan," ani Dumadag.

Ipinayo rin ni Dumadag na bigyang diin ng mga magulang ang mga mabuting aspeto ng paglipat.

Ibinigay na halimbawa ni Dumadag ang distansiya, kung mas malapit sa bahay ang nilipatang paaralan.

"Kung mas malapit, makakatipid sila, imbes na ibabayad mo sa service, puwede mong ihatid. Mas mahaba [rin] iyong tulog [ng bata]," ani Dumadag.

Madalas din daw nangangamba ang mga bata kung tatanggapin ba siya ng mga bagong kaklase o magkakaroon ng mga bagong kaibigan.

Sinabi ni Dumadag na dapat ipaalala sa mga bata kung paano makipagkaibigan.

"Ipaalala mo sa kaniya kung paano siya nakipagkaibigan sa mga dati niyang kaklase," ani Dumadag.

Puwede rin umanong ipaliwanag sa bata na hindi porke lilipat na siya ng paaralan ay hindi na siya puwedeng makipagkaibigan sa mga dati niyang kaklase.

"Hindi naman kailangan dahil nagkaiba na kayo ng eskuwelahan, hindi na kayo magkaibigan," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.