'Life is not a race': Topnotcher sa LET, 1 taon nagpakondisyon para sa exam

Regi Adosto, ABS-CBN News

Posted at May 26 2019 06:44 PM | Updated as of May 26 2019 09:08 PM

ILOILO CITY -- Hindi nagmadali para makakuha ng kaniyang Licensure Examination for Teachers (LET) si Dheanalene Evangelista, na nakakuha ng ika-anim na pinakamataas na grado sa elementary level.

Marso 2018 pa nang magtapos ng Bachelor in Elementary Education sa West Visayas State University (WVSU) si Evangelista, pero ngayong Marso 2019 lamang siya kumuha ng exam.

Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Evangelista na nawalan siya ng gana matapos grumadweyt kaya ipinagpaliban niya ang pagkuha ng LET.

"I was expected by everyone to take the board exam last September 2018. But I did not. And I wish I could say that it was my stubbornness that led me to the decision of postponing my taking of the LET, but it wasn’t the case. Truth be told, I was unmotivated," paliwanag niya.

Matapos ang isang taong preparasyon, nakuha ni Evangelista ang average na 91.80 percent. 

Ani Evangelista, may paraan ang Diyos para ibigay ang ating mga hinihiling, at maaring ang paghihintay para sa tamang panahon ang kagustuhan Niya.

"Maybe God makes us wait a little longer before He grants our wishes to teach us the virtue of patience and perseverance. But when the time is right, in the least expected moment, He will make things happen in the best possible way," aniya.

Umabot sa 19,659 ang pumasa sa LET Elementary Level, habang 22,271 naman ang pumasa sa Secondary Level.