Grupo ng mga pintor lumilikom ng pondo para sa mga COVID-19 frontliner

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 10:56 AM

MAYNILA -- Naglunsad ng fundraising program ang Filipino Portrait Artists Guild (FILPAG) para sa mga frontliner ngayong panahon ng krisis dulot ng COVID-19. 

Ayon kay Grandier Bella, kalihim ng FILPAG, naisip ng kanilang grupo na gamitin ang kanilang talento para makatulong sa mga medical worker at iba pang frontliner. 

Katuwang ang UP Alumni Association, inilunsad nila ang "Handog Lingkod" fundraising online exhibit na naglalaman ng mga painting at iba pang gawa ng grupo.

"Ninety percent of the proceeds will be donated to the frontliners affected by the COVID-19 crisis," ani Bella.

Ilan sa iginuhit ni Bella ay isang guwardiyang kumukuha ng temperatura at isang motoristang nagpapagasolina na sa sobrang totoo nang pagkakaguhit ay mukhang picture na. 

Noong Marso, nagpa-auction na rin ang grupo ng mga painting samantalang noong Abril naman ay nagsagawa ang grupo ng live sketching ng mga frontliner.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.