ALAMIN: Kadaldalan may masama bang epekto sa kalusugan?

ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 05:07 PM | Updated as of May 25 2019 05:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nagbabala ang isang espesyalista sa maaaring mga epekto sa kalusugan, partikular na sa lalamunan, ng labis na paggamit ng boses gaya ng pagiging madaldal. 

Ayon kay Dr. Archie Ramos, isang ear, nose, and throat specialist, maaaring magasgas nang todo ang vocal cords kapag labis ang pagsasalita at pagsigaw ng isang tao.

Ang pagkagasgas at pamamaga sa vocal cords ay nagdudulot umano ng pagkapaos at pagkamalat ng boses, ayon kay Ramos. 

"Minsan [kapag] madaldal po talaga, naaabuso po iyong vocal cords at namamaga po siya," ani Ramos sa "Good Vibes" ng DZMM. 

Madalas nangyayari ito sa mga taong puhunan ang boses tulad ng mga mang-aawit at call center agents. 

Ayon kay Ramos, kapag hindi napangalagaan ang boses ay maaaring lumala ang sakit sa lalamunan. 

"Minsan sa lifestyle. Napapansin na nating nagbabago pa lang nang kaunti ang boses, pipilitin pa nating magsalita. Trabaho pa nang trabaho hangga't sa hangin na lang ang lumalabas," sabi ni Ramos. 

Para mapangalagaan ang lalamunan, importante aniya ang pag-inom ng tubig at pagsubok ng home remedies gaya ng pagmumumog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.