Mga taga-Albay, nagpagalingan sa pagkain ng maaanghang na pagkain

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 01:28 AM

Muling ibinida ng mga taga-Albay ang kanilang galing sa pagkain ng maaanghang na pagkain sa taunang Sili Viand Eating Contest sa nagpapatuloy na selebrasyon ng Magayon Festival.

Sampung babae at lalaki ang nagpagalingan sa pag-ubos ng 2 putahe sa pinakamabilis na oras. Magkasunod na kakainin ng mga kalahok ang 250 na gramo ng Bicol express at 250 na gramo ng laing na punong-puno ng sili.

Ang ilan sa mga kalahok, naluha at naduwal dahil sa sobrang anghang ng mga pagkain.

Matapos ang kompetisyon, muling tinaguriang "Sili Queen" na si Mary Jane Sorro ng Barangay Taysan sa Legazpi.

Si Gesun Nantes naman ng Barangay Quirangay sa bayan ng Camalig ang tinaguriang "Sili King" sa unang pagkakataon.

Naubos niya ang 2 putahe sa loob lamang ng 50 segundo.

Nakakuha sina Sorro at Nantes ng tig-P10,000 premyo. 

Ilan lang ang laing at Bicol express sa mga pagkaing sikat sa Bicol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.