Bakit nagkakaroon ng pattern hair loss?

ABS-CBN News

Posted at May 23 2019 03:10 PM | Updated as of May 23 2019 03:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinayo ng isang doktor na magpatingin nang maaga ang mga taong may mga magulang na may kondisyong pattern hair loss o iyong pagkalagas ng buhok sa tuktok at harap ng anit.

Isa ang pattern hair loss, o tinatawag na androgenetic alopecia, sa mga karaniwang uri ng pagkalagas ng buhok, sabi sa DZMM ng dermatologist na si Dr. Claudine Yap-Silva.

Ayon kay Silva, "genetic" o namamana ang nasabing kondisyon.

"Madalas may isa sa mga magulang ninyo na may pagkakalbo na katulad nito," ani Silva sa programang "Good Vibes."

Posible namang maagapan umano ang pagkalagas ng buhok dahil sa androgenetic alopecia kung agad magpapatingin sa doktor, lalo iyong mga nasa edad 30 hanggang 40.

"Kasi madalas 'pag both sides ng family ang mayroon actually, puwede kang mas maaga magpatingin," ani Silva.

May binibigay na gamot ang mga doktor para sa mga nakararanas ng maagang pattern hair loss, anang doktora.

Kung "severe" o malala na naman ang kondisyon ay maaari raw sumailalim ang pasyente sa hair transplant.

Ayon kay Silva, maituturing na normal ang pagkalagas ng 80 hanggang 100 hair stands kada araw.

Para sa ibang pasyente, posible raw umabot ito sa 150 hair stands kada araw pero maituturing pa ring normal.

Hindi rin dapat iwasan ng mga pasyenteng nalalagasan ng buhok ang paggamit ng shampoo o pagbasa sa kanilang ulo dahil magdudulot ito ng lalong pagkalagas, ani Silva.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.