Sapatusang nasalanta ng bagyo, paano nakabangon?

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 04:59 PM


Maganda, matibay, at gawang-Pinoy ang ilan sa mga salitang ginagamit para mailarawan ang mga sikat na sapatos na nilikha sa Marikina.

Maraming pamilya sa lungsod ang nabubuhay sa paggawa ng mga sapatos, gaya ni Roweliza Ladicho, may-ari ng Fashion Purveyor Enterprise.

Kuwento ni Ladicho, bata pa lang ay sapatos na ang nagsilbi niyang laruan at ang pagawaang pag-aari ng kaniyang pamilya ang kaniyang playground.

"Noong bata ako pagkagaling sa eskuwelahan, dito ang aking parang playground. Nakikita ko 'yong mga manggagawa namin at tumutulong ako sa kanila sa paggawa ng sapatos, pag may mga rush orders," ani Ladichosa sa programang "My Puhunan."

Kalaunan ay ipinasa kay Ladicho ng kaniyang ama ang negosyong sinimulan pa ng kaniyang lolo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang taong nagtuloy-tuloy ang pag-asenso ng sapatusan ni Ladicho pero unti-unti rin itong humina sa pagpasok ng mga murang sapatos na gawa sa Tsina.

Higit 100 sapatusan na lang ang nanatiling bukas sa Marikina mula sa 2,000 nang magsimulang humina ang industriya dahil sa mga inaangkat na mumurahing sapatos, ayon kay Ladicho.

"Naapektuhan kami ng mga imported, lalo ng cheap products from China," rebelasyon niya.

Sumabay pa sa paghina ng industriya ang pagsubok na dala ng hagupit ng bagyong Ondoy noong 2009.

"Lahat ng gamit namin nawala, nag-start from scratch kami talaga," ani Ladicho.

Sa isang iglap, naglaho ang lahat ng pinaghirapan ni Ladicho at ng kaniyang mga manggagawa, gaya ng mga sapatos na ipadadala na lang sana sa mga kliyente at mga makinang gamit sa produksiyon.

Pero hindi pinanghinaan ng loob si Ladicho at ipinagpatuloy ang pakikipagsapalaran sa industriyang noon aniya'y naghihingalo na.

Naisip din ni Ladicho ang mga manggagawa niyang nabubuhay sa paggawa ng sapatos.

"Naging challenge sa'kin kasi nga ang inaalala ko papaano mag-survive ang aming negosyo, kasi 'pag tinigil namin, ito lang ang nalalaman kong hanapbuhay," aniya.

Nagsimula ulit si Ladicho sa tulong ng pamahalaang lokal at mga mabubuting supplier.

"Nagbigay ang government noong parang, kung kayo magtatayo ng new business wala nang bayad ng mayor's permit. Tinake namin 'yong opportunity to apply ng new (business) under my name na," ani Ladicho.

PAGSABAY SA PANAHON

Pero batid ni Ladicho na sa panahon ngayon ay hindi sapat ang gumawa lang ng mga sapatos.

Pinasok na rin nila ang paggawa ng bags at customized shoes, lalo at ito rin ang kahingian ng karamihan ng kaniyang mga kostumer.

"Lalo na ngayon sa mga wedding, ang mga bride gusto nilang ginagamit [ang customized shoes] sa pictorials. May mga nagpapalagay ng kanilang sariling pangalan at dates ng kasal," kuwento ni Ladicho.

Nasa P3,000 ang starting charge ng customized shoes kina Ladicho na kayang mabuo sa loob ng tatlong araw, pero dahil maraming order ay binibigyan ang mga kostumer ng "waiting time" na halos isang buwan.

Dagdag pa rito, pinalakas din nila ang kanilang online presence.

Watch more in iWant or TFC.tv

PAGBANGON NG INDUSTRIYA

Gaya ni Ladicho, naniniwala rin ang Philippine Footwear Federation Inc. (PFFI) na kaya pang buhayin at "pagalingin" ang industriya ng sapatos sa Marikina.

Kamakailan ay nakipagtambal ang PFFI sa Department of Trade and Industry Philippines (DTI) para makabili ng mga makabagong makinang magpapataas ng produksiyon ng mga sapatos.

"Binigyan namin sila ng listahan ng mga equipment na kailangan ng industry kasi itong mga equipment na 'to, mamahalin eh. Kung bibilhin ng isang factory, 'di sulit kasi masyadong mahal," sabi ni PFFI Director General Roger Py.

Dagdag pa ni Py, marami pang mamimili ang nagtatanong hinggil sa Marikina shoes.

Hinimok naman ni Ladicho ang mga Pinoy na tangkilikin ang mga sapatos na gawa sa bansa sa halip na bumili ng mga mumurahin pero mababang kalidad na sapatos.

"Magaganda ang gawa ng local products natin, ang nagiging problema natin kaya talagang humihina ay 'yong pagdating ng mga mumurahing sapatos, na 'yong iba nating kababayan mas prefer nila mas mura... pero talagang mas magaling gumawa ang locally-produced na sapatos," aniya.

Kahit nagmurahan ang mga presyo, sinabi ni Ladicho na hindi sila nakisabay sa trend na ito at nanindigan sa produktong may kamahalan pero maganda.

"Kahit medyo mahal kami, sinasabi namin sa kanila na... 'yon namang quality, hindi talaga magsu-suffer," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.