Ilang paaralan may paandar para makaakit ng tulong sa 'Brigada Eskwela'

ABS-CBN News

Posted at May 22 2019 02:32 PM | Updated as of May 22 2019 06:05 PM

Abala na ang mga paaralan sa buong bansa sa kani-kanilang pakulo para sa "Brigada Eskwela," ang taon-taong paglilinis at pagsasaayos ng mga paaralan bilang paghahanda sa pagbubukas muli ng klase. 

Umarangkada ito ngayong taon noong Lunes at tatagal hanggang Sabado.

Pero bukod sa paglilinis at pagkukumpuni ng mga kagamitan, may kani-kaniya ring paraan ang ilang eskuwelahan sa Pampanga para makaengganyo at dumami ang makikiisa sa brigada.

Sa Wenceslao Village High School sa San Roque Dau, Lubao, 
hataw sa pagsayaw ng zumba ang mga magulang at estudyante bago sumabak sa paglilinis.

"Maganda po ito sa ating kalusugan lalo na ako, para 'yung ibang mga magulang pumunta na rin dito at tulong-tulong kami dito sa aming paaralan," sabi ni Remedios Oclarit, presidente ng Parent-Teachers' Association (PTA) ng paaralan. 

Bukod sa pagsasayaw, may wellness services pang mapagpipilian kung sumali sa paglilinis ng paaralan. 

May ventosa cupping therapy na patok sa volunteers tulad ni Elena Magtoto.

Mayroon ding massage at sa mga susunod na araw ay magkakaroon naman ng libreng hand at foot spa na mismong mga estudyante ang magsasagawa. 

"Para kahit paano after nilang maglinis at mag-zumba mayroon po silang time para ma-relax," ani Jane Gatus, principal ng paaralan. 

Kakaiba naman ang paandar sa bayan ng Guagua dahil may sagala sa umaga bago ang pag-arangkada ng brigada. 

Gimik ito ng mga estudyante at guro sa Betis High School para makapanghikayat ng mga sasali sa Brigada Eskwela.

"Isang paraan po ito para mahikayat. Naglabasan 'yung mga tao kasi nakita nila may mga naka-gowns kahit tirik na tirik ang araw," sabi ni Kenneth Bansil, opisyal mula sa paaralan.

Libreng gupit at paayos naman ang panghatak ng mga volunteers sa Brigada Eskwela sa bayan ng Arayat.

Ang Brigada Eskwela ay isang taunang programa ng pamahalaan bago ang pagsisimula ng bawat school year.

Itinakda sa Hunyo 3 ang pagbubukas ng klase. 


— Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.