Bumaha ng lechon ngayong Linggo sa La Loma, Quezon City dahil sa pagdiriwang ng Lechon Festival.
Naglalakihang lechon ang ibinida ng mga lechoneros sa parada, kasabay ng init ng panahon at tindi ng sikat ng araw.
Pagarbuhan din ng mga float, pagalingan sa street dance gayundin sa lechon reinvention cook-off, at may konsiyerto pa ng banda.
Masaya ang lechonero na si Ramon Ferreros ng Monchie's Lechon sa pagbabalik-sigla ng pista kasunod ng COVID-19 pandemic.
Unti-unti na rin umanong lumakas ang bentahan ng lechon, bagamat mas madalas ay online na ang pagbili.
"Ang lechon ay simbolo ng pagmamahal sa pamilya ng isang Pilipino," ani Ferreros.
"Ito (lechon) ay simbolo ng kasaganahan... at tagumpay," dagdag niya.
Wala naman umanong pagtaas sa presyo ng lechon dahil hindi gaanong tumataas ang demand tuwing pista, kompara kapag Disyembre.
Nasa P7,500 ang presyo ng 6 hanggang 7 kilo ng lechon, ayon kay Ferreros, habang P8,500 ang 8 hanggang 9 kilo.
Ayon naman kay Luring Atencio ng Bulakeñas Lechon Haus, bagaman bumalik na ang mga selebrasyon, hindi pa nakababawi ang mga lechonan sa pagkalugi dahil sa pandemya.
Hindi na rin umano gaanong karami ang namimili ng lechon kahit pista.
"Pero kahit papano, nakakaraos. Hindi pa kami kumikita pero nakakaraos lang kami," ani Atencio.
Nasa P5,000 naman ang presyo ng 7 kilong lechon kay Atencio.
Isa sa mga naminili ng lechon ay si Francis La Peña para aniya sa tradisyon.
"Hindi siyempre kumpleto ang piyesta kapag walang lechon," ani La Peña.
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.