PatrolPH

TINGNAN: Darna mural sa QC simbolo ng kabayanihan ng medical frontliners

Abner P. Mercado, ABS CBN News

Posted at May 20 2020 02:27 PM

TINGNAN: Darna mural sa QC simbolo ng kabayanihan ng medical frontliners 1
Abner P. Mercado, ABS-CBN News

MAYNILA - Sa mga dumaraan sa harap ng isang 7-palapag na gusali sa Maginhawa street sa Teachers Village, Quezon City, agaw-pansin ang isang bagong pintang mural.

Ang obra ay isang higanteng painting ng Pinoy superhero na si Darna na nakabihis ng scrubs, ang karaniwang damit ng mga medical frontliners, at naka-mask - isang pagpupugay sa kabayanihan ng mga health worker sa gitna ng pandemya. 

“We're so happy we have this kind (of mural painting) because it depicts the heroine in the person of Darna who is a frontliner,” ayon kay Miren Santos na isang UP Microbiology Professor.

Ilang araw nang nakikita ni Santos bilang tenant ng condominium ang pag-aabala sa mural painting. Nang masulyapan niya ang mural, humanga siya sa pagkakabuo nito at sa mensahe 

“I hope and I pray makahanap na ng vaccine para sa COVID-19,” ayon pa kay Santos, patungkol sa sakit na tumama sa halos 13,000 na sa bansa. 

Ang binatilyo namang si Jimuel Linga na residente ng Teachers Village ilang araw na ding nakikita ang pagpinta sa mural. Pero ngayong natapos na ito saka niya naintindihan ang nais nitong ipaabot na mensahe.

“Mag-ingat po tayo sa virus kasi napansin ko din po kahit painting po siya, naka-mask po siya,” ayon kay Linga.

Noong nakaraang linggo pinangunahan ni AG Saño, isang artist at activist, at ng kaniyang grupong Art Attack ang pagpipinta sa mural bilang pagkilala sa mga medical frontliners na humaharap ngayon sa hamon ng COVID-19.

“Ang pangunahing konsepto dito, bigyan ng pagpupugay ang mga frontliners natin lalo na ang mga doctor at nurse, kaya pinapakita namin dito na sinasabi sa buong mundo na sila ay superheroes sa panahon ngayon at binibigyan namin ng halaga 'yon. 'Yong kanilang role sa pag-prevent o pagkalat ng virus,” ayon kay Saño.

Si Darna, para kay Saño, ang isa sa pinakatanyag sa mga lokal na superhero kaya ito ang kaniyang piniling ipinta. May suot itong mask at stethoscope bilang kinatawan ng kabayanihan ng mga medical frontliners. 

TINGNAN: Darna mural sa QC simbolo ng kabayanihan ng medical frontliners 2
Abner P. Mercado, ABS-CBN News

Para sa proyektong ito, humingi ng pahintulot si Saño sa building administrator at mga tenants ng condominium kung saan din siya nakatira.

“Sa umpisa ang naisip kong konsepto ay super woman pero ang napagusapan namin sa community sa building na ito maganda 'yung suhestiyon nila na gawin nating lokal," ayon kay Saño, na may mga ilang obra na rin sa mga pader at underpass sa Kamaynilaan. 

"Darna 'yung isa sa pinakasikat na tinitingala nating superhero sa mass media kaya ito 'yung napili naming magde-depict nong kapangyarihan o kakayahan ng mga frontliners natin,” aniya.

Ang kapa ni Darna ay ipininta sa mga kulay ng bandila ng Pilipinas. 

"'Pag sinabing superheroes, superhuman 'yun ang pananaw ko at hindi natin mapapantayan at walang makakatapat sa heroism na ginagawa nila (health workers) ngayon. 'Yun bang alam nilang magiging delikado 'yung mismong buhay nila at posibleng mahawa din nila 'yung mga kamag anak nila sa buhay pero ginagampanan pa din nila.” kuwento pa ni Saño 

TINGNAN: Darna mural sa QC simbolo ng kabayanihan ng medical frontliners 3
Abner Mercado, ABS-CBN News

Hindi madali ang pagpipinta ng mural sa 7-palapag na gusali. Kinailangang ipagsanib ni Saño ang sining at pag-iingat. Disiplina ng wall climbing ang kanilang paraan para bumalanse habang nagpipinta.

“Hindi lang physical 'yung challenge dito, feeling ko mas malaking challenge 'yung mental. Ako kasi may fear ako sa heights eh pero dahil gusto ko ma-achieve ito parang kino-conquer ko 'yung fear of heights ko every single time na aakyat at bababa man ako,” dagdag pa ni Saño

Kasagsagan ng kanilang paghahanda sa mural painting ni Darna nang dumaan naman ang kauna-unahang sama ng panahon sa bansa sa taong ito- ang Typhoon Ambo- na naging hamon din sa kanila. 

“Tinamaan kami ng bagyo. In fact, naantala kami, noong Friday umabot kami ng malalakas na hangin so kinailangan namin i-cut short 'yung pagpipinta ng araw na 'yun,” paliwanag ni Saño

TINGNAN: Darna mural sa QC simbolo ng kabayanihan ng medical frontliners 4
TINGNAN: Darna mural sa QC simbolo ng kabayanihan ng medical frontliners 5
TINGNAN: Darna mural sa QC simbolo ng kabayanihan ng medical frontliners 6

Ang mga naunang obra ng artist-activist na si AG Saño at kaniyang grupong Art Attack. Abner Mercado, ABS-CBN News

Ang mga naunang obra ng artist-activist na si AG Saño at kaniyang grupong Art Attack. Abner Mercado, ABS-CBN News

Ang mga naunang obra ng artist-activist na si AG Saño at kaniyang grupong Art Attack. Abner Mercado, ABS-CBN News

Nagtapos ng landscape architecture sa University of the Philippines Diliman si Saño at kakabit ng kaniyang 11 taon sa sining ang kaniyang iba’t ibang adbokasiya. 

Ilan sa kaniyang mga mural painting ang nasa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila gaya ng "Dolphin Loves Freedom" series na nasa kahabaan ng Julia Vargas Avenue sa Pasig City, na ang mensahe ay palayain ang mga dolphins na ikinukulong sa mga theme parks. 

Sa katabing mga poste ng flyover tapat ng Tiendesitas naman matatagpuan ang mga imahe ng pagkilala sa mga bayani gaya nina Macario Sacay at Miguel Malvar.

Pagmamahal pa rin sa kalikasan at sa iba’t ibang hayop, ibon, halaman at bulaklak ang art attack mural painting ni Saño sa PLDT parking lot sa Dela Rosa Street sa Makati. 

Bayanihan para sa bayan ng mga mamamayang Pilipino naman ang tema ng obra ni Saño sa kahabaan ng pader sa Kampo Aguinaldo na nakaharap sa Edsa.

At sa loob ng Gina Lopez Building kung nasaan ang tanggapan ng ABS-CBN Foundation, kinilala naman sa mural ang mga batang katutubong Pinoy mula sa mga Ibaloi ng Benguet hanggang mga T’boli ng Mindanao.
Mismong ang namayapang si dating DENR Secretary at pinuno ng ABS-CBN Foundation Gina Lopez ang nanguna sa pasinaya nito matapos maipinta ni Saño.

Gaya sa mga salita ni Rizal ang kabataan ang pag asa ng bayan sa mensahe ng mural dito ni Saño. 

At ngayon si Darna naman ang hahanay sa mga mural painting ni Saño na may mensaheng nais ipahatid. 

Maging ang artistang si Angel Locsin na gumanap sa papel na Darna ay pinuri ang mural painting na ito ni Saño sa kaniyang Instagram post. 

“Salamat sa pagbibigay ng inspirasyon through your art work.” bahagi ng Instagram post ni Locsin. 

Para kay Saño may hatid na kabutihan sa kalikasan ang naging pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine at lockdown ang maraming tao sa dalawang buwan bunga ng banta ng COVID-19. 

Dumadalangin si Saño na sana ay malampasan ng bansa at mundo ang krisis na ito.

“Dasal ko sana makadiskubre na ng gamot or vaccine sa covid 19 kundi man hindi siya mapuksa totally no sabi nila puwede mamamatay ng natural death pagdating ng summer time pero ang panalangin ko magkaroon ng gamot or vaccine para matapos na.” ani Saño. 

Lilipas din ang mapanghamong yugtong ito ng krisis ng covid 19 at sa mga panahon na darating ang mural na ito ni Darna ang makapagpapaala. 

Hanggang nandito ang mural buhay ang mensahe ng mga frontliners na lumaban para sa pagtatanggol sa kalusugan ng mga mamamayang Filipino laban sa pandemya. 

“Pero ang panalangin ko para sa kinabukasan huwag na tayo bumalik sa dati bilang isang environment alam kong mali ang ginagawa ng humanity o yung direksyon natin mali. Yung komersyo yung pagsusunog ng fossil fuel muling nakaramdam yung inang kalikasan ng paghinga.”

Ngayong bumabalik sa ”new normal” ang lahat at nag uumpisang lumabas ang marami sa mga tahanan. Gayundin magbukas ang ilang mga serbisyo at negosyo sana huwag makalimutan ang malalim na kahulugan ng krisis na ito. 

“Sana magkaroon na tayo ng initiative na magmove forward don sa mas maganda at mas harmonious na pakikitungo sa kalikasan at sa isa’t isa din.” pagtatapos ni Saño. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.