PatrolPH

Bayan sa Albay may TikTok challenge para sa Sarung Banggi festival

ABS-CBN News

Posted at May 19 2021 01:05 PM | Updated as of May 19 2021 01:54 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Nagsagawa ng TikTok dance contest ang Sto. Domingo, Albay local government para sa kanilang mga residente bilang parte ng pagdiriwang sa Sarung Banggi Festival ngayong taon.

Parte ang "Skiri Dance Challenge" competition ng mga aktibidad ng lokal na pamahalaan para sa pista ngayong taon, bilang pag-iingat sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic. 

Kasama dapat sa pagsayaw ng mga residente ang pagpapakita ng pagsunod sa health protocols gaya ng pagsuot ng face mask, face shield, at pagdadala ng alcohol. Bawat barangay ay may mga kalahok. 

Kasama sa mga lumahok ang ilang barangay official, mga guro, medical frontliner, at mga pulis. May mga lumahok ding mga kabataan. 

Watch more on iWantTFC

Ayon sa alkalde ng Sto. Domingo na si Jun Aguas, isa ang TikTok challenge sa mga naisip nilang paraan para magkaroon pa rin ng aktibidad sa bayan patungkol sa pista sa gitna ng pandemya. 

"Alam po natin na may pandemic ngayon and we cannot celebrate any activity ngayon sa Sarung Banggi festival na may face-to-face so through virtual na lang para po makaiwas tayo sa COVID. Sa tagal na po ng COVID marami na rin ang na-stress, ang iba depression and may iba na nawawalan na ng pag-asa lalo na 'yung mga nawalan ng trabaho, so sabi ko let's provide hope para kahit papano maging masaya sila sa kabila ng pandemya,” ani Aguas. 

Paramihan ng reaksiyon sa social media ang labanan sa bawat kalahok. 

Watch more on iWantTFC

Aabot sa P15,000 ang grand prize ng mananalong barangay. 

Ipinagdiriwang ang Sarung Banggi festival bilang pagkilala at pagbibigay pugay sa kababayang si Potenciano Gregorio na siyang nagsulat ng Bicolano song na pinamagataang "Sarung Banggi."

Magtatagal ang pista hanggang Mayo 23 at marami pang online activities ang inihanda ng LGU. 

Noon nang nagpaalala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lokal na opisyal na huwag magdaos ng mga mass gathering ngayong napapanahon na ang mga pista. 

— Ulat ni Karren Canon 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.