ALAMIN: Paano masasabing hemophilia ang sakit?

ABS-CBN News

Posted at May 19 2019 03:53 PM

Normal para sa mga tao ang magdugo kapag sila ay nahihiwa o nasusugatan, pero mayroong kondisyon na kahit mga simpleng galaw ay nagdudulot ng pagdurugong mahirap ding pigilin.

Sa programang "Salamat Dok," tinalakay ng hematologist na si Dr. Flerida Galsim-Hernandez ang nasabing kondisyon na tinatawag na hemophilia.

Ayon kay Hernandez, ang taong may hemophilia ay kulang sa "clotting factor" o iyong mga protina sa katawan na nagkokontrol sa pagdurugo.

"Sa normal na tao, para hindi ka mag-bleed, kailangan mo ng clotting factors bukod doon sa platelet, siyempre. Sa taong may hemophilia, kulang sila ng isang clotting factor," paliwanag ng doktora.

"Rare" o bihira lang umano ang mga taong may hemophilia.

Halos 1,500 lang sa Pilipinas ang nakararanas ng nasabing kondisyon, base sa tala ng Hemophilia Philippines Foundation, ani Hernandez.

Ayon kay Hernandez, ang hemophilia ay "genetic" o karaniwang namamana.

"Pagkapanganak pa lang nandiyan na, habambuhay 'yan ang sakit," aniya.

Wala pa rin daw natutuklasang gamot sa nasabing kondisyon.

MGA SINTOMAS

Isa sa mga sintomas ng hemophilia, lalo sa pagkabata, ay ang pagkakaroon ng mga pasa.

Madalas din daw ang pananakit ng mga kalamnan at kasukasuan dahil maging ang mga ito ay nagdudugo.

"Kung severe ang hemophilia, baby pa lang, pag nag-start nang mag-crawl, nagkakaroon sila ng mga pasa-pasa," ani Hernandez.

"Pag nag-start silang mag-walk, nagkakaroon sila ng swelling ng joints, iritable, ayaw maglakad kasi nagdudugo sa loob ng joint."

Hindi rin daw agad napipigilan ang pagdurugo ng taong may hemophilia kapag sila ay nasusugatan.

Ang mga taong may hemophilia ay mayroon ding dugo sa kanilang dumi o ihi, ani Hernandez.

Kailangan din umanong mag-ingat ng mga taong may hemophilia dahil ang mga simpleng bagay gaya ng pagkatumba at pagsisipilyo ay nagdudulot ng pagdurugo, depende sa kung gaano kalala ang kondisyon.

INTERNAL BLEEDING

Karaniwan din daw sa hemophilia ang internal bleeding o pagdurugo sa loob ng katawan.

Inihalimbawa ni Hernandez ang pagdurugo sa tiyan, na hindi agad umano napupuna dahil hindi nakikita ang paglabas ng dugo at lumalaki lamang ang tiyan.

"Significant na pala 'yong blood loss pero hindi mo nare-recognize kasi lumalaki lang ang tiyan," aniya.

Sinabi rin ni Hernandez na puwedeng mauwi sa ibang komplikasyon ang hemophilia kapag hindi naging maingat.

Isa sa mga nabanggit ng doktora ang pagkakaroon ng pseudotumor dahil sa paglaki ng mga kalamnan.

"Lumalaki 'yong muscle na parang tumor pero laman noon dugo," ani Hernandez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.