PatrolPH

KILALANIN: Batang nag-viral dahil sa mala-'train' na pangalan

ABS-CBN News

Posted at May 18 2022 01:13 PM | Updated as of May 18 2022 01:37 PM

MAYNILA -- "Train" na ngayon ang bansag sa batang si Chrishen Clyde C. Bautista, na nag-viral ang video na umiiyak habang nagrereklamo sa kanyang inang si Emily Bautista dahil sa kanyang pangalan na ikinumpara niya sa haba ng tren.

Nitong Miyerkoles sa programang "Sakto" ng TeleRadyo," ibinahagi ni Emily na hindi niya akalain na magba-viral ang kinunan niyang video ng anak na isang daycare student at ngayon ay apat na taong gulang.

Sa ngayon ay may higit 7 milyon na ang nakapanood ng video.

"Hindi (ko inakalang magba-viral) dahil sa assignment lang po nila yon sa school. Eh puro reklamo po siya, naisipan ko pong i-video tapos kinabukasan ay nag-trending sa YouTube at sa TikTok po," ani Emily.

Ayon kay Chrishen Clyde, umiyak siya dahil sa tigin niya ay ang haba ng kanyang pangalan.

"Iniisip ko po 'yung pangalan ko parang train. ... Muntik na lumagpas (sa papel)," ani Chrishen Clyde na masaya na ngayon dahil marami na ang nakakakilala at nagpa-picture sa kanya.

Ayon sa ina ng bata, nagmula ang pangalang Chrishen sa "pinaarteng" Christian na pangalan ng ama nito. 

Dagdag pa ng ina ng bata, napaliwanagan na niya ang anak na marami pang bata na may mas mahabang pangalan kaysa sa kanya.

Narito ang "Sakto" tampok ang mag-inang sina Emily at Chrishen Clyde Bautista:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.