Estudyante mula Pangasinan patuloy na pinagbubuti ang 'camouflage art'

ABS-CBN News

Posted at May 16 2021 02:08 PM

Retrato mula kay Goldie Yabes

Patuloy na pinagbubuti ng estudyanteng si Goldie Yabes ng Binalonan, Pangasinan ang kaniyang talento sa camouflage art, na natutunan lang niya nitong panahon ng COVID-19 pandemic.

Marami ang humahanga ngayon sa camouflage art ng 22 anyos na si Yabes, kung saan pinipinturahan niya ang kaniyang mukha para mag-blend ito sa lugar kung nasaan siya.

"Matagal na po akong nagpe-paint, since 12 years old pa lang po ako, pero ngayong pandemic ko lang po na-discover na kaya ko rin po pa lang mag-camouflage art," kuwento ni Yabes sa ABS-CBN News nitong Sabado.

Retrato mula kay Goldie Yabes

Aminado si Yabes na hindi madaling matutunan ang technique lalo't marami ang puwedeng magbago sa lugar na pinipinta niya sa kaniyang mukha.

"Dahil nga po outdoor, nag-iiba ng angle, iyong shadows, kaya nag-iiba ng color iyong pinaggagayahan kong background," paliwanag niya.

Paborito umano niyang gawan ng camouflage art ang mga tourist spot tulad ng Burnham Park sa Baguio City, at Binalonan Town Plaza sa Pangasinan.

Viral ngayon sa social media ang camouflage art niya ng Binalonan Town Plaza.

Ipinapayo naman niya sa mga iba pang artist: "Ipagpatuloy lang po iyong pagpa-practice kasi iyon lang naman po iyong way para ma-master iyong kahit ano pang art style na gusto nila."

— Ulat ni Melinda Ramo

FROM THE ARCHIVES:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.