ALAMIN: Mga bulaklak na may sangkap na pampagamot

ABS-CBN News

Posted at May 16 2019 04:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi lang pangregalo o pampaganda ng lugar ang silbi ng bulaklak. 

Tinalakay sa programang "Sakto" ng DZMM ang mga bulaklak na maaaring gamitin sa pagpapagamot ng ilang sakit, partikular na sa balat. 

Ayon kay Jocelyn Palacpac ng University of the Philippines - Manila Institute of Herbal Medicine, may mga pag-aaral na nagpapatibay na maaaring gamitin ang ilang bulaklak bilang pampagamot. 

Isa na rito ang gumamela na para sa mga pigsa at sakit ng tiyan, at rosas kontra pamamaga. 

Ginagamit din aniya ang bulaklak na acapulco kontra buni at an-an. 

"Mga cosmetics kasi most of them are [for] topical, skin health," paliwanag ni Palacpac. 

Pero paalala naman ni Palacpac na karaniwang sa balat lang ginagamit bilang gamot ang ilang klase ng bulaklak dahil may mga toxins umano ang ilan dito. 

Halimbawa rito ang campanilla o yellowbell na may anti-bacterial umano na sangkap ang katas ngunit maaaring makalason kapag hindi nagamit nang maayos. 

"Delikado 'pag may sugat kasi puwedeng pumasok 'yung toxin," paliwanag niya.

May mga pag-aaral din aniya na nakakaiwas sa karamdamang kanser ang dama de noche. Pero ayon kay Palacpac, may mga pag-aaral din na nagsasabing nakalalason ang bulaklak lalo na sa mga hayop. 

Mas mainam pa rin daw ang paggamit ng mga nakagawian nang gamot lalo't seasonal lang ang pagtubo ng mga naturang bulaklak. 

"Mahirap kasi gamitin itong mga parte ng halaman na kailangan ng halaman para lumago. So as much as possible, huwag gamitin," paliwanag ni Palacpac. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.