Mga beach na mabibisita habang sarado ang Boracay

ABS-CBN News

Posted at May 15 2018 10:43 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Pansamantalang isinara ng gobyerno sa mga turista ang Boracay simula noong Abril 26 upang bigyang daan ang ilang buwang rehabilitasyon nito matapos mapinsala ng polusyon at mga estrukturang lumabag sa mga batas pangkalikasan.

Kaya kung ang hanap ay beach na may napakalinaw na tubig at buhanging kulay puti rin, hindi maikakakilang mayaman ang Pilipinas sa mga ganito.

Narito ang ilang mga baybaying buhay na buhay at mairerekomendang puntahan ngayong tag-init.

Maaaring mag-click sa retrato para sa karagdagdang kaalaman hinggil sa mga beach:

Magalawa

Kilala ang Magalawa bilang "Island of the Stars" ng Zambales dahil sa dami ng starfish na matatagpuan sa isla. Patok ito sa mga backpacker mula Luzon dahil madali at mura ang pagpunta.

Cagbalete

Dahil sa puti at pinong buhangin, tanyag na puntahan ng mga turista ang Yang-in Sandbar sa Cagbalete, Quezon.

Calaguas

Ipinagmamalaki ng Camarines Norte ang malaparaisong Calaguas Island pero kailangang baybayin ang bahagi ng Pacific Ocean bago marating ito.

Gigantes

Ang Gigantes Islands naman ang ibinibida ng Iloilo sa mga turista. Bukod sa magandang tanawin, murang-mura at fresh ang mga pagkain.

Mati

Hindi lang turista ang dumadaong sa pitong kilometrong Dahican Beach sa Mati, Davao Oriental dahil maging mga pawikan ay nawili na ring tumambay dito.

San Vicente

Hindi magpapatalo sa El Nido at Coron ang bayan ng San Vicente sa Palawan. Mahahanap dito ang umano'y pinakamahabang white sand beach sa Pilipinas, na may habang 14.7 kilometro.

Kalanggaman

Tiyak na malilibang naman ang mga bisita sa mga aktibidad gaya ng snorkeling, diving, at biking sa Kalanggaman Island sa Leyte.

Kung certified beach lover, i-check ang website na ito para sa mga naggagandahang destinasyon.

-- Ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.