SAN LUIS, Pampanga -- Beat the heat!
Ngayong panahon ng tag-init, naisipan ng pamilyang ito mula San Luis, Pampanga na gawin ang dati nilang pig pen bilang isang "budget" swimming pool para sa mga chikiting.
Isang linggo lamang ang ginugol ni tatay Wilfredo Mangubat para gawin ang swimming pool na may budget na P4,000, ayon kay Blessie Reyes, na siya ring kumuha ng mga retrato.
Ang pool ay para sa mga apo ni tatay Wilfredo, na hiling sanang magkaroon ng inflatable swimming pool sa loob ng kanilang bahay.
"Halos lahat ng kapitbahay namin meron silang inflatable pool. Gusto [ng mga pamangkin ko] maki-swimming kaso medyo malilikot po [sila,] baka makabutas pa at magpapalit pa kami [sakaling masira,]" ani Reyes sa ABS-CBN News.
Ang indoor swimming pool ay may haba na 4 meters at may luwang na 2 meters. Nasa 3 feet naman ang taas nito.
May ibang materyales na ang pamilya ni Reyes, kaya inabot lang ng halos P4,000 ang kanilang gastusin, ayon sa kanya.
Pang matagalan na ang indoor swimming pool para sa pamilya ni Reyes.
"Medyo mahal din po kasi inflatable pool, at saka para na din may libangan kami lalo na ngayong panahon po na naka-enhanced community quarantine po tayo," aniya.
Nararanasan nitong mga nakaraang araw at linggo ang mainit na panahon sa iba't ibang parte ng bansa.
Dahil dito, ipinapayo ng mga eksperto, lalo sa mga taong nasa labas at direktang lantad sa init ng araw, ang regular na pag-inom ng tubig para manatiling maginhawa ang katawan.
Iba't ibang residente din ang dumidiskarte para maibsan ang nararanasang init ng panahon.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
swimming pool, Pampanga, mainit na panahon, pig pen, Patrol PH, tagalog news, San Luis, inflatable pool, indoor swimming pool, ABS-CBN News, COVID-19 quarantine