Fit for the crown: Catriona Gray, ibinahagi ang fitness routine

ABS-CBN News

Posted at May 14 2018 05:18 PM | Updated as of May 14 2018 09:40 PM

 

A post shared by Catriona Gray (@catriona_gray) on

Mula nang masungkit ang korona para sa Miss Universe-Philippines, naging puspusan na ang paghahanda ni Catriona Gray, lalo para makamit niya ang magandang hubog ng katawan.

Kuwento ng 24 anyos na Filipino-Australian beauty queen, bata pa lang ay nahilig na siya sa sports gaya ng pagsasayaw at martial arts.

Pero mas lalo umano siyang naging conscious sa pangangatawan dahil sa nobyo niyang Filipino-German at aktor na si Clint Bondad.

"I wasn't really reintroduced into fitness until I met my current boyfriend. He's an enthusiast talaga and he would drag me to the gym. I learned so much about being aware of your body through him," sabi sa panayam ni Gray.

Sa mga susunod na buwan, tatlo hanggang apat na workout session sa gym ang magiging rutina ni Gray.

Ayon kay Gray, ang pag-eehersisyo ang nagbibigay sa kaniya ng sigla para sa buong araw.

Mahalaga rin para kay Gray ang paghahanda ng healthy na pagkain sa almusal.

"Usually for breakfast, I am a huge fan of smoothies like green smoothies, juices, and smoothie bowls," ani Gray.

Karaniwang laman ng kaniyang agahan ay mga gulay, kaunting prutas, at ang paboritong sangkap ni Gray na ginger o luya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dagdag ni Gray, mainam ding maayos ang lifestyle o paraan ng pamumuhay, gaya ng pagkakaroon ng sapat na tulog at pag-inom ng maraming tubig.

Sabik at determinado si Gray na mauwi para sa Pilipinas ang titulong Miss Universe, na huling napanalunan ni Pia Wurtzbach noong 2015.

-- Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.