Hair salon naghandog ng libreng gupit para sa hospital frontliners

ABS-CBN News

Posted at May 13 2020 05:21 PM | Updated as of May 13 2020 05:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Naghandog ng libreng gupit para sa mga frontliner sa mga ospital ang walong hairdressers ng Reyes Haircutters nitong nakaraang Linggo, bilang kanilang ambag para itaas ang morale ng mga taong nasa unahan ng laban sa COVID-19 pandemic.

"Naiisip natin na 'yung frontliners -- doctors, nurses and the caregivers -- hindi na nakakauwi. Siyempre nalulungkot sila 'di nila kasama ang kanilang pamilya so naisip natin ito for morale booster at mapasaya natin sila sa simpleng gupit lang," sabi ni Les Reyes, may-ari ng Reyes Haircutter.

Sa panayam sa Teleradyo nitong Miyerkoles, sinabi ni Reyes na ang kanilang "Free Haircutting for Hospital Frontliner Project" ay tugon sa hiling ng ilang kaibigan na magbigay ng libreng serbisyo sa frontliners.

"Kung pupuwede nga daw magbigay ng libreng gupit. I said, 'Yes, 100 percent'," kuwento niya.

Ayon kay Reyes, sinusundo ang 8 hairdressers sa kanilang branch sa Anonas, Quezon City at dinadala sa ospital para maggupit.

"When they are in the hospital, bibigyan sila ng orientation, briefing ng infectious doctor specialist, prayer and then they put on their full gear, PPE (personal protective equipment). Magte-thermal temperature din sila," sabi niya.

Habang naggugupit ay inoobserbahan din sila ng infectious nurse specialist.

Pinapurihan naman ni Reyes ang kanilang walong "bagong bayani" o frontliners ng Reyes Haircutters dahil sa serbisyong kanilang ibinigay.

"We are so proud sa ibinigay ninyong serbisyo sa ating mga frontliners. Maraming salamat sa inyo," aniya.
 
Ang team ng kanilang salon ay nakapaggupit sa ilang mga ospital tulad ng Cardinal Santos Medical Center, Manila East Medical Center sa Taytay, at Commonwealth Medical Center sa Quezon City.