Paano masasabing namamaga ang mga kasukasuan sa spine?

ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 02:24 PM

Nakararamdam ka ba ng pananakit sa iyong likuran sa loob ng mahabang panahon at kahit walang ginagawang mabigat na aktibidad?

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa isang rheumatologist, posibleng sintomas na ito ng ankylosing spondylitis (AS) o iyong pamamaga ng mga joint o kasukasuan sa spine o gulugod.

"Ito ay ang pamamaga ng mga joints sa ating likuran, puwede itong buong spine o kaya doon sa baba, sa balakang," sabi sa programang "Good Vibes" ng DZMM ni Dr. Sheila Reyes ng Philippine Rheumatology Association.

Ipinaliwanag ni Reyes na ang AS ay isang uri ng inflammatory back pain, na tumutukoy sa pananakit ng likurang nararanasan kahit wala namang nakakapagod o mabigat na aktibidad na ginagawa.

"'Yong back pain niya, kakaiba. Kasi ito 'yong sakit na nararamdaman sa likod kapag at rest ka," ani Reyes.

"Napaka-limited talaga ng movement ng spine. Konting lilingon lang, hirap na hirap, o kaya yuyuko," dagdag ng doktora.

Hindi raw nakukuha ang AS "dahil napagod o dahil sa pagtanda."

Isa sa mga sintomas ng AS ay ang pananakit ng likod sa loob ng 3 buwan o higit pa.

Karaniwan umano ang AS sa mga lalaki na may edad 40 pababa.

Maaaring makumpirma kung AS ang nararanasan ng isang tao sa pamamagitan ng mga pagsusuri gaya ng X-ray, magnetic resonance imaging (MRI), at blood test.

Masasabi rin na AS ang kondisyon ng tao kapag "bamboo spine" ang larawang lumabas sa kaniyang X-ray, ani Reyes.

Kapag bamboo spine, nawawala ang mga puwang sa pagitan ng mga buto niya sa gulugod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.