ALAMIN: Sanhi ng almoranas

ABS-CBN News

Posted at May 12 2019 02:22 PM

Ang almoranas o hemorrhoids ay ang pamamaga ng ugat sa anus o butas ng puwet na siyang dinadaluyan ng dumi ng tao. 

Pero bakit nga ba nagkakaroon ng almoranas ang isang tao? 

Ayon sa colorectal surgeon na si Dr. Hermogenes Monroy III, kadalasang nagkakaroon ng almoranas ang mga taong hirap magdumi. 

Bukod pa rito, nagdudulot aniya ng almoranas ang sobrang pagbubuhat at pagkain ng mga maaanghang na putahe. 

Tuwing nagkaka-almoranas, may tsansang lumabas ang nasabing pamamaga mula sa puwetan ng isang tao.

"'Pag pinipilit mo (magdumi) lalaki ang hemorrhoids, lalaki ang balat niyan at mas madali siyang dumugo at lumabas," ani Monroy sa "Good Vibes" ng DZMM.

Bagama't walang sintomas ang almoranas, maaaring makaramdam na ng hapdi o sakit ang isang tao kapag dumudumi ito.

May dalawang klase rin ng almoranas: ang internal at external hemorrhoids, at may iba't ibang grado ang almoranas batay sa laki nito. 

Kung napabayaan, ayon sa doktor, magdudulot ito ng impeksyon sa katawan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.