Daan-daang nanay, dumayo sa 'breastfeeding caravan'

ABS-CBN News

Posted at May 12 2018 09:27 PM

Dinayo ng daan-daang nanay, kasama ang kanilang mga sanggol, ang 'breastfeeding caravan' na inilunsad ng Department of Health (DOH) at mga non-government organization (NGO) sa isang mall sa Quezon City.

Tampok sa breastfeeding caravan ang mga seminar at iba pang aktibidad na nanghihikayat sa mga nanay na mag-breastfeed.

Isa sa mga dumalo ang nanay na si Sally Ragrag na maituturing na 'breastfeeding champion' dahil pinasuso niya ang kaniyang panganay na anak hanggang mag-3 years old ito.

Pinapasuso naman niya ngayon ang kaniyang sumunod na anak.

Ayon kay Ragrag, malusog at malakas ang resistensiya ng kaniyang mga anak.

Layon din ng caravan na ma-monitor ang pagpapatupad ng Republic Act 10028 o "Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009."

Sa ilalim ng batas na ito, obligasyon ng bawat establisimyento na maglaan ng lactation station o pribadong lugar kung saan puwedeng mag-breastfeed ang mga nanay.

Hinihikayat din ang publiko na tumulong sa pagmomonitor ng mga lumalabag sa batas.

Sa mga nais tumulong, maaaring mag-report sa website na Mother-Baby Friendly Philippines (MBFP) o i-download ang mobile application nito.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.