3 magkakaibigang bulag, nagkamit ng diploma

ABS-CBN News

Posted at May 12 2017 04:24 PM

Tripleng inspirasyon ngayon sa mga kabataan ng Camarines Sur ang hatid ng magkakaibigang bulag na nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Information Technology sa Naga City.

Marami ang bumilib kina Mark Aborde, Rosendo Hubilla at Donillo Sarcilla dahil sa kabila ng kanilang pagiging visually impaired, nagsumikap silang makatapos ng pag-aaral.

Dagdag pa rito, nagkamit si Hubilla ng karangalang ''Best Thesis''.

Ibinahagi niya ang ginawang thesis,''Tungkol po iyon dito sa system ng STI, gumawa kami ng system, parang ano siya, para malaman kung pumapasok ang teachers at students''.

Iskolar ng lokal na pamahalaan ng Naga City si Aborde.

Nagpapasalamat naman sa Diyos ang ina ni Sarcilla dahil nalampasan ng anak ang depresyon matapos maaksidenteng mabulag nang mabaril ng nag-aamok na pulis noong dekada 90 sa Maynila habang nagtatrabaho bilang janitor.

Regalo umano ng mga magkakaibigan ang kanilang diploma sa kanilang mga ina sa nalalapit na Mother's Day.

Tulad ng kanilang mga kaklase, buo ang kanilang loob na agad silang makakahanap ng trabaho.

Pangako nila, magiging masigasig silang empleyado at patuloy na magsisilbing mabuting halimbawa sa iba lalo na sa maraming persons with disabilities na nawawalan ng pag-asa.