Sakripisyo ng inang nag-aalaga sa anak na may hydrocephalus, binigyang-pugay

ABS-CBN News

Posted at May 10 2021 03:28 PM

Watch more in iWantTFC

Kahit nasa isang resettlement area sa Pandi, Bulacan nakatira, sinikap ng 63 anyos na si Corazon Antonio na magkaroon ng maliit na garden.

Ang garden ang libangan niya dahil hindi niya maiwang mag-isa sa bahay ang 37 anyos na anak na si Lenielyn, na ipinanganak na may hydrocephalus.

Si Lenielyn ang sagot sa 6 na taong panalangin ni Corazon at asawang si Rodolfo.

"Gusto niya babae. Ayun, binigay babae nga pero may kapansanan naman. Pero mahal namin kahit ganyan," ani Corazon.

Sa kabila ng kahirapan, sinikap ni Corazon na palakihing normal si Lenielyn at maranasan ang buhay gaya ng ibang bata. Kahit paano, nakatungtong si Lenielyn ng Grade 3 sa paaralan.

"Pinagtiyagaan ko 'yan makapag-aral, binuhat ko, nakatayo ako doon sa gate ng school, aantayin ko na makauwi kami," kuwento ni Corazon.

"Para nga kahit ganyan siya, hindi siya mahihiya sa tao na humarap," dagdag ng ina.

Kaligtasan din ng anak ang unang inisip ni Corazon kaya mula sa isang informal settler community sa tabing-dagat sa Navotas, lumipat sila sa pabahay sa Bulacan kahit hindi tiyak ang kabuhayang dadatnan sa lugar.

Para may pantustos sa kanilang pangangailangan, araw-araw bumibiyahe si Rodolfo pabalik sa Navotas para makapangisda.

Natigil si Rodolfo nang pagbawalang lumabas ng bahay ang mga senior citizen dahil sa pandemya.

"Simula noon (pandemya), naubos nang naubos [ang panggastos], pinambayad namin ng kuryente, tubig, ganyan," ani Rodolfo.

Ang pinakainaalala ng mag-asawa ay si Lenielyn.

Malabo na ang mga mata ni Corazon at hirap na rin siyang buhatin ang anak, lalo na kapag kailangang magbanyo.

"Sabi ko, 'wag sana ipahintulot ng Diyos na kunin kami," ani Corazon.

"Sana 'wag siyang magsasawa sa anak ko at saka sa akin, sana lagi siyang nasa tabi namin... nagpapasalamat ako sa kaniya, dahil hindi niya sinukuan ang anak ko," paglalarawan naman ni Rodolfo sa misis.

Kahit hirap kumilos, pinipilit ding tumulong sa gawing bahay ni Lenielyn, na number one fan ng aktor na si Coco Martin.

Para makatulong kina Corazon, nagdala ang programang "Winner sa Life" ng Teleradyo ng bigas na puwedeng itinda at pang-sari-sari store para mayroon silang pagkakitaan nang hindi nawawalay kay Lenielyn.

Labis ang pasasalamat ng mag-asawa, na nangakong sisikaping palaguin ang maliit na negosyo.

-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.