Bee farm, dinarayo dahil sa alok na kakaibang pagkain at gimik

ABS-CBN News

Posted at May 09 2018 11:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dinarayo ng mga turista ngayon ang isang bee farm sa bayan ng Tunga, Leyte kung saan hindi lamang paggawa ng honey o pulot ng mga bee o pukyutan ang makikita.
    
Mula sa Tacloban City, isang oras ang biyahe para makapunta sa "Beengo Farm."

Patok ito sa mga turista lalo na't naghahanap sila ng alternatibong pasyalan ngayong tag-init, kasabay ng pansamantalang pagsasara ng isla ng Boracay. 

"Sad to say Boracay was closed, so naghanap kami ng ibang place na mas malapit dito," kuwento ng turistang si Jun Dumayas.

Sa halagang P250, makakakain ka na, matututunan mo pa kung paano nakagagawa ng kiwot o honey ang mga pukyutan, ayon sa may-ari ng farm.

Bukod sa pagpaparami ng mga pukyutan, agaw-pansin din ang kakaibang pagkain at inumin na sa farm lang umano matitikman.

"San ka makakakain ng blue rice? Hindi ka makakakain ng blue rice sa Boracay pero dito nakakain kami ng blue rice 'tsaka blue water," kuwento ni Lourdes Pedere, isang turista. 

Patok din ang panghimagas na "linupak," kung saan ang mga bisita mismo ang nagbabayo ng saging na kanilang kakainin.

"Lahat ng pagkain na sene-serve natin are organically-prepared, wala tayong mga chemicals. Freshly-picked lahat from the garden," pagmamalaki ni Gary Ayuste, may-ari ng Beengo Farm.

Binuksan sa publiko ang bee farm noon lamang Nobyembre 2017, at sa pagpasok ng 2018, mahigit 20 dayuhan na mula sa iba't ibang bansa ang bumisita rito.

"This coming week po meron po tayong 3 foreigners from France [na bibisita]...Nakaka-proud na dinadalaw tayo ng mga dayuhan dahil sa ating mahiwagang bubuyog," ani Ayuste.

--Ulat ni Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.