Sa gitna ng pandemya, mga sunflower simbolo ng pag-asa sa UP Diliman

Abner P. Mercado, ABS-CBN News

Posted at May 08 2020 01:10 PM | Updated as of May 08 2020 03:23 PM

Sa gitna ng pandemya, mga sunflower simbolo ng pag-asa sa UP Diliman 1
Naging hudyat na ng pagtatapos sa unibersidad taon-taon ang pamumukadkad ng mga sunflower sa UP Diliman. Kuha noong 2019. Abner Mercado, ABS-CBN News


MANILA - Kahit sa gitna ng banta ng COVID-19, tuloy ang kinagisnan na pagtatanim ng sunflower sa campus ng University of the Philippines sa Diliman, Quezon City bilang paghahanda sa commencement exercises sa darating na huling linggo ng Hunyo. 

Ang pagbusilak ng mga dilaw na bulaklak ay itinuturing nang hudyat ng panahon ng graduation sa unibersidad. At ngayong may pandemya, nagsisilbi na rin itong isang simbolo ng pag-asa. 

Dahil umiiral ang enhanced community quarantine, skeleton workforce na lang ng UP Diliman Campus Maintenance Office (CMO) ang nagbubungkal sa kahabaan ng university avenue para magtanim ng buto ng sunflower.

Kabilang dito si Danilo Judavar na mahigit dalawang dekada nang kawani ng UP Diliman CMO at siyang nagtatanim at nag-aalaga ng mga sunflower. 

“Araw-araw po 'yan dilig, basang-basa 'yan. 'Yan ang gusto niya saka 'yung naaarawan, 'yun talaga 'yung paborito ng sunflower.” paliwanag ni Judavar.

Sa gitna ng pandemya, mga sunflower simbolo ng pag-asa sa UP Diliman 2
Tuloy ang pagtatanim ng mga sunflower sa University Avenue sa UP Diliman sa kabila ng patuloy na krisis sa COVID-19. Abner Mercado, ABS-CBN News
Sa gitna ng pandemya, mga sunflower simbolo ng pag-asa sa UP Diliman 3
Tuloy ang pagtatanim ng mga sunflower sa University Avenue sa UP Diliman sa kabila ng patuloy na krisis sa COVID-19. Abner Mercado, ABS-CBN News

Ayon kay James Christopher Buño, Acting Director ng UP Diliman CMO sa ilalim ng Office of the Vice Chancellor for Community Affairs, bahagi na ng bawat pagtatapos ng mga estudyante ng UP Diliman ang panahon ng pamumukadkad ng mga sunflower. 

“Itong pagtatanim ng sunflower nag-umpisa siyang ma-institutionalize as a commencement tradition noong early 2000, ever since then ang opisina namin nagha-handle ng pagtatanim. So 'yung preparation niya nag-uumpisa early in the year. 'Pag inumpisahan na namin bilhin 'yung mga materyales at i-prepare din 'yung site na pagtataniman ng mga buto ng sunflower,” paliwanag ni Buño.

Nagtapos din sa UP Diliman ng landscape architecture si Buño at batid niyang bahagi na ng seremonya ng mga estudyante ang pagpapakuha ng mga larawan sa mga bulaklak suot ang kanilang mga sablay na simbolo ng mga nagsisipagtapos sa state university.

Dating nasa huling linggo ng buwan ng Abril ang UP Diliman Commencement Exercises. Nang magkaroon ng pagpapalit ng academic calendar ang UP, kinailangan din na magpalit sila ng variety ng buto ng mga itinatanim nilang sunflower lalo na't pagdating ng Hunyo ay papasok na sa panahon ng tag-ulan.

Nagiging marupok ang sunflower sa sunod-sunod na pag-ulan. Sa tuwing huling linggo ng buwan ng Hunyo, kung kailan idinaraos ang seremonya ng pagtatapos, may mga pagkakataon na may masamang panahon, gaya noong nakaraang taon na inulan ang UP Diliman Commencement Exercises. 

“Simula nong magkaroon ng calendar shift noong 2014 ay bumibili na 'yung university ng tinatawag na certified seeds na mas resilient na variety ng sunflower, nananatiling maganda 'yung tubo ng mga sunflower kahit na pumapasok na tayo doon sa rainy season natin.” ayon pa kay Buño. 

Kinailangan ding magbawas ng mga tanim na sunflower ngayon ang pamunuan ng UP Diliman. Pinili lamang ang ilang bahagi ng campus sa university avenue na dating kinagawiang tinataniman ng bulaklak.

“More than 80,000 seeds 'yung itinatanim natin on a regular graduation season. Pero this time umabot lang tayo ng almost 30,000 seeds,” ayon pa kay Buño.

Hindi naging hadlang ang pinagdaraanang krisis ngayon sa COVID-19 para ipagpatuloy ang tradisyon na ng UP Diliman. 

“We have to maintain a "normal" that we know. The sunflowers give us hope as well as lessen our stress,” ayon naman kay UP College of Mass Communication Dean Arminda Santiago.

Para sa mga taon-taon nang nagtatanim ng sunflowers gaya ni Judavar, di matatawaran ang tuwa sa puso kapag nakikitang masaya ang mga estudyante sa kanilang mga inalagaang bulaklak na namumukadkad.

“Masaya po kami kasi bago sila grumadweyt dito sa UP masaya sila na taon-taon kami nagtatanim.” ayon pa kay Judavar.

Nahaharap man ngayon sa posibilidad na walang magaganap na seremonya dahil sa banta ng COVID-19, nananalig si Buño na hindi mawawala ang kahulugan ng mga bulaklak na ito na kakabit na ng bawat mga nagsisipagtapos na mga estudyante ng UP Diliman.

“Ever since naman ang sunflower ay naging simbolismo ng pag-asa para sa mga ga-gradweyt natin. Ngayong panahon na mayroon tayong hinaharap na krisis, nananatili 'yong simbolismo ng pag-asa. Hindi lamang para sa mga graduates natin kundi para sa lahat, magkaroon sila ng inspirasyon 'pag nakita nila pagbukadkad ng mga sunflowers natin dito sa campus,” ayon pa kay Buño. 

“Ang UP namin lagi ay unibersidad na para sa sambayanan kaya naniniwala tayo na sa panahon na ito, magandang magamit natin kung ano 'yung mayroon tayo para makatulong sa bayan. At panalangin natin na sana manatiling malakas at nagkakaisa 'yung bayan natin sa harap ng krisis na ito.”