Babaeng may hinihinalang alopecia, naging inspirasyon ang graduation pic

ABS-CBN News

Posted at May 05 2019 02:59 PM | Updated as of May 05 2019 04:45 PM

Hindi hadlang ang kapansanang alopecia o matinding pagkalagas ng buhok para kay Patricia Apuli Banzuela para makapagtapos sa pag-aaral. PHOTO COURTESY: Patricia Apuli Banzuela

Viral sa social media ang graduation photo ni Patricia Apuli Banzuela dahil sa pagpupursigi niyang makatapos ng pag-aaral sa kabila ng karamdamang nagdudulot ng malubhang pagkalagas ng kaniyang buhok.

Sa kaniyang graduation photo sa Polytechnic University of the Philippines, may hawak ang papel si Banzuela na may mga salitang "ang kapansanan ay hindi hadlang para hindi makapagtapos ng pag-aaral."

Dahil sa kaniyang karamdaman, nakaranas siya ng iba't ibang uri ng pangungutya noon.

 

Sa panayam sa ABS-CBN News, ikinuwento niya na kahit nasa elementarya pa lang siya ay tinutukso na siya.

"Tinanggalan ako ng sombrero habang naglalakad sa gitna ng hallway ng school namin. Di ako umalis sa puwesto ko that time and iyak na ako nang iyak until my teacher came," salaysay ni Banzuela sa panayam.

Ayon pa kay Banzuela, hinihinalang alopecia ang kaniyang karamdaman at sinusuri pa ito ng mga doktor. Sa kabila ng mga ito, nagpursigi si Banzuela sa kursong Marketing Management.

Kinalauna'y naging volunteer student din si Banzuela sa Scholarship and Financial Assistance Services office ng PUP. Naging scholar din siya ng Commission on Higher Education.

Si Banzuela kasama ang kaniyang mga magulang.

Sa kaniyang graduation photo, nagpasalamat siya sa kaniyang mga magulang sa pagsisikap nilang mapagtapos siya ang dalawa niyang kapatid.

"Mga pinagdaanan na pagsubok na di natin sinukuan, mga panahon na tayo ay sinubok ng panahon na ating pinagtagumpayan. Marapat lamang po na kayo ay bigyan ng karanglan bilang aming magulang," ani Banzuela.

Umani ng libo-libong likes at shares ang post ni Banzuela sa Facebook. Gayunman, hindi niya inasahang mag-va-viral ito.

"Gusto ko lang po magbigay ng inspirasyon sa mga kabataan," paliwanag niya.

Nagpasalamat din siya sa mga nagbasa ng kaniyang kuwento.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.