58 anyos na health officer sa Albay pumasa sa Bar exams sa ika-8 na pagsubok

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at May 02 2020 11:28 AM | Updated as of May 03 2020 05:32 PM

Mahigit 20 taon mula nang magtapos ng abogasya, magiging isang ganap na abogado na ang isang 58 anyos na health officer mula sa Albay. 

Ito'y matapos siyang pumasa sa 2019 Bar Exams, ang ikawalong beses niyang sinubukan ang pagsusulit. 

"Dapat naka-focus ka lang talaga. Kung ano ang gusto mong ma-achieve, dapat huwag ka panghinaan ng loob. You should always take it as a challenge," ayon kay Jaime Guerrero ng Barangay Salugan, Camalig, Albay. 

Senior Health Officer ng Department of Health-Bicol si Guerrero na tatlong dekada nang nagta-trabaho sa ahensiya.

Ayon kay Guerrero, kailangan ng pagsisikap at determinasyon kung nais maabot ang pangarap.

Noong 1996 pa nang magtapos sa College of Law si Guerrero sa isang law school sa Legazpi City at inabot din ng 10 taon bago niya ito natapos. 

Ilang subjects din ang paulit-ulit niyang kinuha dahil sa mga bagsak na grado. Imbes na numero, puno ng letra ang kaniyang transcript. May DROP, INC (incomplete), ABS (Absent) at UW (Unauthorized Withdrawal).

"Lagi din kasi talaga akong absent and hindi ganun kaseryoso sa pag- aaral. Pero gusto ko talaga kasi maging abogado kasi 'pag sinabing abogado, talagang magaling ka."

Kuwento ni Guerrero, hindi siya pinanghinaan ng loob sa bawat bar exam na kinuha niya simula 1996.

Hindi siya sumuko lalo pa't lagi namang malapit sa passing rate na 75 ang kaniyang nakukuhang grado at hindi naman napatawan ng disqualification ng Supreme Court.

"'Yun din talaga ang dahilan kung bakit hindi ako sumuko. Challenging sa akin ang resulta ng bawat exam. Kasi laging malapit na sa passing rate. Pinakamalapit ata nasa 74.85 percent."

Hindi rin siya nagpaapekto sa mga puna ng iba sa bawat bar exams na hindi siya pumasa.

Pinanghawakan ni Guerrero ang kaniyang paniniwala na kung nakaya ng iba, kayang-kaya rin niya.

Hindi rin siya nagpatinag kahit hindi natuloy ang pagpapa-coach niya online sa isang dean ng isang law school para sa 2019 Bar Exams matapos malamang ikawalong beses na siyang kukuha ng bar exams.

"Sabi ko kunin ko siyang online coach. Ang reply "okay". Tapos wala nang paramdam."

Payo ni Guerrero sa mga hindi pa nakakapasa ay huwag susuko. Hanapin ang psychological comfort lalo na sa pag-aaral.

Sa ngayon hindi pa siya makapag-desisyon kung ipapagpatuloy pa rin sa gobyerno ang serbisyo o magiging isang ganap ng private lawyer.