BORACAY: Pasilip sa isla bago ito naging tourism spot

ABS-CBN News

Posted at May 02 2018 04:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukod sa yaman ng kalikasan, mayaman din sa kultura at kasaysayan ang isla ng Boracay. 

Sa isang museo sa Boracay, makikita ang paraan ng pamumuhay ng mga unang Pilipinong namalagi sa isla bago pa ito maging sikat na tourist spot.

Itinayo ang Museo De Roberto Y Gloria Tirol noong 1999 sa Seawind Resort bilang isang family museum, subalit kinalauna’y nagtampok na rin sila ng mga relika at historikal na bagay na nahukay sa isla. 

Ang artifacts dito, tila pasilip sa kultura ng “isla bago ang turista.”

Kalakalan 

Bukod sa malalaking kabibe, lumang pera, at mga gamit sa bahay, makikita rin sa museo ang asul at puting pottery mula Tsina, gayundin ang mga pinggan, banga, at sisidlang porselana. 

Nilikha umano ang mga ito noong ika-9 na siglo sa panahon ng Song Dynasty.

Patunay anila ang mga ito na nakipagkalakalan din ang Tsina sa mga unang Pilipino sa Boracay. 

“Of course, may mayaman na kasaysayan ang Boracay, nakita natin sa museum ang artifacts. Lahat ito galing sa island ng Boracay,” pagmamalaki ni Emiliana Machina, museum supervisor. 

Seremonyas

Tulad sa ibang panig ng Pilipinas, may paraan at seremonya ang mga unang tao sa Boracay sa paglilibing.

Patunay dito ang pagkakahukay sa isla ng mga banga na naglalaman ng kalansay ng tao na tinatayang inilibing noon pang 1600 A.D.

May kasamang polseras, beads, at iba pang ornamento ang mga kalansay bilang parangal o kayamanang ipinabaon sa namatay.

Ang mga ito ay bahagi ng mga pahina ng kasaysayan na sinusubukang ipreserba ng mga residente. 

Sa ngayon, sumasailalim sa matinding rehabilitasyon ang isla na tatagal ng tinatayang anim na buwan.

Matapos nito, inaasahan ng mga taga-Boracay na manunumbalik na ang dating sigla sa kanilang isla. 

--Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.