Gay beauty pageant sa Cebu, ginawa nang online

Christopher Mahidlawon Mahilum, ABS-CBN News

Posted at May 01 2020 03:27 PM | Updated as of May 01 2020 05:21 PM

Isa ang makeup artist na si Janna Fernan sa mga kalahok sa kauna-unahang Miss Gay COVID-19 Video Edition sa Cebu. Larawan mula kay Janna Fernan

CEBU -- Bunga ng enhanced community quarantine 10 kandidata ang nagpapatalbugan ngayon online sa kauna-unahang Miss Gay COVID-19 Video Edition.

Ipinapadala ng mga kandidata ang kanilang mga video mula audition hanggang sa iba't ibang exposure sa pageant na siya namang ina-upload ng organizer sa kanilang official Facebook Page. 

Nauna nang nai-post ang talent competition noong Linggo kung saan bida sa mga costume at props na ginamit ng mga kandidata ang ilang relief goods gaya ng noodles at sardinas.

Agaw-pansin rin ang kani-kanilang ECQ long gowns. May gumamit ng trapal, may egg tray, sabay rampa sa kanilang bakuran.

Isa sa mga kalahok ay ang makeup artist na si Janna Fernan. Gawa sa plastic, sako, at trash bags ang kaniyang gown. Trending din ang kaniyang COVID-19 inspired na costume na may ala-virus pang headdress.

Ang kaniyang dambuhalang petticoat naman ay tadtad ng mga mensahe kung paano labanan ang COVID-19. 

Ayon sa kaniya mabuti na rin ito upang siya ay malibang at kung sakaling manalo man, may income pa siya.

Ayon sa organizer ng online pageant na si Jay-r Yosores na isa ring events organizer, naisipan niyang gawin itong pageant para maipakita na kahit isa ang events industry sa pinakaapektado bunsod ng krisis na dala ng COVID-19, buhay pa rin ang sigla, lalo na ng mga kasamahan niya sa LGBT community na handang magpasaya ng tao sa kabila ng hirap na pinagdadaanan.

Mula lang sana sa sariling bulsa ni Yosores ang papremyong ibibigay sa mananalo. Pero laking tuwa niya nang may mga nagbigay ng cash donations pandagdag premyo. Kaya naman umabot na sa P10,000 ang matatanggap ng kauna-unahang makokoronahan bilang Ms. Gay COVID-19 Video Edition.

Tatanggap naman ng P7,000 ang tatanghaling first runner-up at P5,000 para sa
 second runner-up.

May papremyo rin para sa major at minor awards, na ayon kay Yosores ay madadagdagan pa kung may magbibigay pa ng cash donations.

Ngayong Sabado na ang coronation night ng online pageant na idadaan pa rin sa pag-uupload ng video ng mga kandidata sa kanilang official Facebook page.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.