PatrolPH

Pantawid ng Pag-ibig: Food packs hatid sa ilang senior, 4Ps beneficiary sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2021 09:50 PM

Watch more on iWantTFC

Kahit may pangamba sa coronavirus disease (COVID-19), pinipilit pa ring mangalakal ng 70 anyos na si Zaldy Niepes para may makain sa araw-araw ang kaniyang pamilya. 

"'Yun ang inaasahan ko, minsan kikita P100, tama lang isang kilong bigas, tiis na lang, wala eh," ani Niepes. 

Tinitipid naman ni Estrella Reyes ang mga natanggap na ayuda mula sa mga nagdaang relief operations para may makain ang mga apo. 

"Naglalako ako ng pandesal, hindi na ako binibigyan sa bakery, kasi bawal na 'yung senior maglakad-lakad sa kalsada," ani Reyes. 

Wala na ring trabaho ang 71 anyos na dating truck driver na si Bernardo Tumaca. Hirap siyang makabili ng gamot para sa kanila ng kaniyang misis. 

"Ang mahal pa ngayon ng gamot kahit generic. Talagang ang hirap ng buhay kaya eto, para makatipid, sa kahoy kami nagluluto," ani Tumaca. 

Sina Tumaca, Reyes, at Niepes, at ang mga kabilang sa 4Ps ang pakay ng grupong "Samahan ng Nagkakaisang Pamilya ng Pantawid" (SNPP) para mabigyan ng ayuda mula sa iba't ibang sponsor. 

Sa Barangay 8, Caloocan, pawang mga nanay ang bumubuo ng samahang ito. 

"Masaya kami, kahit paano maliit man o malaki, naibabahagi namin, nagpapasalamat po kami," ayon sa parent leader ng grupo na si Ligaya Villaroel. 

Isa sa mga natulungan ng grupo noon si Rachel Orque na kasapi na rin nila. 

At bilang dagdag-ayuda para sa mga taga-Barangay 8, namahagi ang ABS-CBN ng mga lutong pagkain bilang parte ng "Pantawid ng Pag-Ibig: Pilipino Para sa Pilipino," sa tulong ng SNPP. 

Maaaring mag-donate sa pamamagitan ng pagbili ng mga donation voucher mula sa partner online merchants ng ABS-CBN. 

Maaari ring ipadala ang tulong sa mga bank account na nakalagay sa website ng Pantawid ng Pag-ibig. 

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.