PatrolPH

OFW na nag-Power Rangers costume nagbibigay ng aliw, pagkain sa mga bata sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 01:00 PM | Updated as of May 01 2020 10:12 PM

OFW na nag-Power Rangers costume nagbibigay ng aliw, pagkain sa mga bata sa Laguna 1
Nakaisip ng kakaibang gimik ang isang overseas Filipino worker na naipit sa Pilipinas para magbigay-saya sa mga kabataan ngayong naka-enhanced community quarantine ang Nagcarlan, Laguna. Photo courtesy: Nagcarlan Vice Mayor Rexon Arevalo

NAGCARLAN, Laguna - Nakaisip ng kakaibang gimik ang isang overseas Filipino worker na naipit sa Pilipinas para magbigay-saya sa mga kabataan ngayong naka-enhanced community quarantine ang bayan na ito. 

Ilang araw nang umiikot ang balikbayan OFW na si Red Montefalcon, na namimigay ng lugaw at nakikipaglaro sa mga bata sa iba't ibang barangay sa Nagcarlan. 

Aniya, ito ay para mapawi ang kalungkutan ng mga bata ngayong may umiiral na lockdown. 

"Napansin ko kapag namamalengke ako parang ang tao ang lulungkot nanibago sila sa style ng pamumuhay natin ayun one time naisipan ko mamalengke ng nakaganito di ko nakita nakasmile sila alam ko napasaya ko sila," aniya. 

Pabalik sana ng Italy si Montefalcon pero inabutan siya ng lockdown at laganap din ang banta sa coronavirus sa pupuntahang bansa. 

Watch more on iWantTFC

Kaya habang nasa Pilipinas, ginugugol niya ang oras para tumulong sa mga kababayan. 

Kaya kahit ang mga local official sa Nagcarlan, labis ang pasasalamat sa kaniya. 

"Nakakaalis ng lungkot, nakakaalis ng pighati kapag nakikita ng atin mga kababayan si Red Ranger kahit sa kalsada may sayang naidudulot ang ginagawa po ni Red Ranger," ani Nagcarlan Vice Mayor Rexon Arevalo. 

Panawagan ni Montefalcon, sumunod sa mga patakaran ngayong naka-lockdown. 

"Mensahe ko laang huwag matigas ang ulo, sumunod sa gobyerno malalampasan natin ito, darating ang time babalik tayo sa normal na pamumuhay," ani Montefalcon. 

Para sa kaniya, wala man siyang kapangyarihang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus, umaasa siya na ang simpleng kaniyang ginagawa ay makatutulong nang malaki para kahit papaano makapaghatid ng saya at pag-asa sa mga bata sa kanilang lugar. 

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.