'Learn to accept your limitations:' Bar passer sa Ilocos Norte na may kapansanan

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Apr 30 2020 08:58 PM

Abot-langit ang tuwa at pasasalamat ng 27 anyos na si Jo Erika Marquez ng Bacarra, Ilocos Norte matapos niyang malaman na nakapasa siya sa 2019 Bar exams.

"Dahil matagumpay kong nairaos ang pinakamalaking hadlang sa pag-aabogasya," sabi ni Marquez, na hindi na makalakad matapos magkaproblema ang pag-opera sa kanya noong 2007 dahil sa scoliosis.

Ayon kay Marquez, hindi naging hadlang ang kanyang kalagayan sa pag-abot niya sa kaniyang pangarap na maging abogada.

“Learn to accept your limitations. Kailangan na matutunan mo na tanggapin na may mga bagay na sadyang magiging kapos ang abilidad mo and that is okay. Focus your energy on the things you can do and by God’s grace, you will succeed," pagbabahagi niya.

Inspirasyon ni Marquez ang kanyang pamilya, na bilib sa kaniyang determinasyon.

Ang tatay niya ay nasa ibang bansa, habang ang kaniyang ina ay nagtatrabaho sa isang bangko. Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Marquez.

"Unang-una po, sa lahat ng naniwala na kaya ko at sa tulong ng Diyos at ng maraming tao, kinaya nga," sabi ni Marquez.

Nagpasalamat rin ang nanay nito na si Carolina Marquez sa mga tumutulong kay Jo Erika: "Sa mga kaklase niya, tumutulong sa kanya na umakyat at bumaba sa classroom niya sa second floor, sa mga guwardiya, at tricycle drivers na naghahatid at sumusundo sa kanya sa school."

Nagtapos si Marquez sa kursong Management Accounting sa Mariano Marcos State University, bilang magna cum laude, noong 2007.

Taong 2019 naman nang nagtapos siya ng abogasya sa Northwestern University.

Kabilang din sa mga nakapasa sa 2019 Bar exams ang tatlo niyang kaklase na sina Pristine Amber Aurelio, Kathrine Jessica Calani, at Maria Louisa Que.

Labing-isa naman ang nakapasa mula sa Mariano Marcos State University, at anim mula sa University of Northern Philippines.

Bukod sa kanila, marami pang Ilokano na nag-aral sa iba't ibang law schools sa labas ng Ilocos ang pumasa sa naturang exams.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.