May mga kilos o pag-uugali na hayagang makikita sa isang karelasyon na maaaring sintomas na siya'y mahilig mangaliwa, ayon sa isang sikolohista.
Sa programang "Sakto" ng DZMM, ipinaliwanag ng clinical psychologist na si Angelo Subida na may mga taong likas na hindi nakokontento sa isang karelasyon kaya naghahanap sila ng iba.
"Mayroon kasing pinanggagalingan 'yan sa kalooban niya. Mayroon talagang gano'n na gusto niya, sabay. May asawa siya, o boyfriend o girlfriend, [and] at the same time, may kasabay," ani Subida.
Itinuturing ding isang mental disorder ang pagiging adik sa pangangaliwa, ani Subida, at may ilang sintomas ang pagiging likas na salawahan.
Una na rito ang "flirtation" o ang pagkilos nang malambing, mapaglaro, at mapanukso sa iba.
Palatandaan din aniya ang kaugaliang tumitingin sa iba kahit may karelasyon na.
"May tendency siyang kung saan-saan pumupunta ang mata," ani Subida.
Hindi rin mabuti na nahihilig sa pornograpiya o mga seksuwal na pelikula ang isang tao.
"[Pornography] feeds the brain about certain things na puwedeng maka-lead sa infidelity o cheating," anang sikolohista.
Ayon kay Subida, maaaring may emosyonal na pinaghuhugutan ang isang taong hindi marunong makontento sa karelasyon.
"There is a story inside that person and it's a story that tells him or her to cheat o mangaliwa," aniya.
Batay sa mga nahawakang kaso, ipinaliwanag ni Subida na maaaring maging "cheater" ang isang taong hindi nagkaroon ng magandang pakikisama sa kaniyang magulang noong siya'y bata.
"May mga mother-son relationship na very much wounded, very traumtized 'yong tao, absentee mother or abusive mother," ani Subida.
Dahil umano sa pagkukulang ng magulang na iparamdam sa kanilang anak ang pagmamahal, dinadala ito ng mga anak hanggang sa pagtanda, kung saan maghahanap sila ng labis na pagmamahal.
"Hinahabol-habol niya iyong hindi niya makuha. Lack of love, for example. So hindi siya makasapat ng isa lang kasi naging overwhelming iyong hunger niya," ani Subida.
Ayon sa isang survey ng "extramarital" affairs website na Ashley Madison, kabilang sa mga dahilan kung bakit nangangaliwa ang isang tao ay dahil naghahanap ng "sexual fulfillment," naghahanap ng tunay na pagtingin mula kay "number two," at naghahanap ng pagkakaibigan sa labas ng relasyon.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, DZMM, Sakto, relationship, relationship tips, pangangaliwa, salawahan, cheating, psychology, infidelity