PatrolPH

Mga Don Bosco alumni, gumawa ng ventilator sa panahon ng banta ng COVID-19

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 01:01 AM | Updated as of Apr 29 2020 12:35 PM

MAYNILA—Ilang alumni ng Don Bosco Technical College ang gumawa ng ventilator na maaaring gamitin ngayong may banta ng COVID-19 sa bansa.

Isa si Engineer Romel Pasia sa mga alumni ng Don Bosco na lumikha ng low-cost ventilator para punan ang kakulangan nito sa gitna ng COVID-19 crisis.

"We have stepped up to the challenge na to do this kasi this is something we need and we believe something we can do," ani Pasia, habang inilalatag ang kanilang binubuong ventilator.

Sa isang workshop sa Don Bosco, ipinakita ni Pasia kay Father Chito Dimaranan, ang rector ng paaralan, ang kanilang binubuong ventilator. Electronics and Communications Engineering gradweyt si Pasia at si Dimaranan ang kanilang dean noon.

“Ever since COVID started gumawa na sila Father Chito and ’yung mga students dito ng mga PPEs saka ’yung mga face shields then we have foreseen ang magiging problema later on ’pag dumami ’yung cases would be yung ventilators," ani Pasia.

Ang nililikhang ventilator nina Pasia ay bilang tulong sa mga pasyenteng magiging malala ang karamdaman dulot ng COVID-19.

“Pagka critical na ’yung pasyente ang magiging effect kasi ng COVID nahihirapan siyang huminga. There will come a point na hindi na kaya ng lungs niya na ma-generate ng sariling respiration," paliwanag ni Pasia. 

Kapag malala na ang isang pasyenteng may COVID-19 dahil sa pneumonia at acute respiratory distress syndrome, dito na kakailanganin ng ventilator.

Target ng grupo na makagawa ng 1,000 low-cost ventilator. Mahal ang isang unit ng ventilator kaya layunin nilang maipagamit ang mga ginawang ventilator para sa mga mahihirap na pasyente.

"Maraming klaseng ventilators pero karamihan mahal nasa P500,000 or more and we saw sa internet na ’yung MIT with the cooperation of Boston Medical nag-come up sila ng research na gumawa ng low-cost ventilators. So itong model na to using the ambu-bag and then mechanism ’to ’yung automatically press acquit ’yung ambu-bag ’yun ang ginagawa namin," dagdag ni Pasia.

Nakikipag-ugnayan si Pasia sa ilan pang mga alumni ng Don Bosco na nasa Singapore gaya ni Marlou Madrio na siyang nagdisenyo ng kanilang nililikhang ventilator at Fletcher Von Aquino na pangulo ng kanilang samahan. 

Tumugon ang grupo sa panawagan ni Dimaranan na tumulong sa panahong ito ng krisis. 

Spiritus Vitae o Breath of Life ang kanilang nais itawag sa ventilator na kanilang mabubuo. 

“Ginawan nila ng paraan na maging pinakamura sa aming pinakawari ngayon sa panahong ito pwede tayong gumawa ng isang ventilator na hindi lalampas ng P40,000. Ang halaga nito ay P600,000 kung bibilhin mo sa commercial stores sa buong mundo,” paliwanag ni Dimaranan. 

Nauna nang ipinahayag ng Department of Health na mayroon lamang 1,263 ventilators sa buong bansa kaya kailangan pa nito na makapamili para sa mga pasyenteng gagamit. 

Ito ang kakulangan na nais tugunan ng mga alumni ng Don Bosco. Nakikipag-ugnayan na rin sina Pasia sa Department of Science and Technology. 

Kinikila naman ng ahensiya ang kanilang malasakit. Kapag naisakatuparan ito ng grupo ni Pasia kakailangan ding maaprubahan ng Food and Drug Administration. 

Ayon kay Enrico Paringit, executive director ng Philippine Council for Industry, Energy and Emerging Technologies Research and Development ng DOST (DOST PCIEERD), dadaan sa pagsusuri ng ahensiya ang binubuong ventilator nina Pasia. 

“Tapos ito ay dadalhin sa FDA. Sila naman ang mag-certify. Ito na ito na ay puwedeng gamitin sa isang pasyente siyempre mula sa inspection papunta sa FDA kinakailangan din ng clinical trial o ’yung actual na paggamit sa tao,” dagdag ni Paringit. 

Naglabas na rin ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na magkakaloob sila ng P20-milyong pabuya sa mga Filipino na makakaimbento ng ventilator.

Pero ayon kay Dimaranan, higit sa pabuya, mas mahalaga umano sa kanilang mga dating estudyante ang makatulong sa bayan.

"It was right from the start reflective of our desire to be in bayanihan with 'Pro deo et patria', for God and country. That motto has since been replaced by 'Ascende superius', (Come up to a higher place), but the alumni has imbibed the spirit of the old motto. We modified a bit the catch phrase to 'we pray as one, we heal as one, we rise as one'," aniya.

May makabuluhang laman ang dasal ni Pasia sa kanilang binubuong ventilator.

“Ang dasal namin itong nagawa namin sana hindi natin kailangan gamitin. Kasi 'pag umabot sa puntong ginamit mo 'to medyo malala na 'yung pasyente. Ayaw natin umabot sa ganong punto ang mangyayari sa mga kababayan natin,” pagtatapos ni Pasia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.